Library
Lesson 82: Alma 18


Lesson 82

Alma 18

Pambungad

Nanggilalas si Haring Lamoni sa kapangyarihang ipinakita ni Ammon sa pagprotekta sa mga kawan ng hari. Inakala pa niya na si Ammon ang Dakilang Espiritu. Nahiwatigan ni Ammon ang iniisip ng hari sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, at sinimulan ni Ammon ang pagtuturo sa kanya ng ebanghelyo. Naniwala si Haring Lamoni sa itinuro ni Ammon, naunawaan na kailangan niya ang Tagapagligtas, nagsumamo sa Panginoon na kaawaan siya, at napuspos ng Espiritu.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Alma 18:1–11

Humanga si Haring Lamoni sa katapatan ni Ammon

Ang mabilis na pagrebyu ng tala sa katapusan ng Alma 17 ay makatutulong sa mga estudyante na makita ang konteksto ng Alma 18. Makatutulong din ito para maunawaan nila ang mga mensahe sa Alma 18. Sa pagrebyu ng Alma 17, itanong sa mga estudyante kung tama o mali ang mga sumusunod na pahayag. Maaari mong ipasulat sa kanila ang kanilang mga sagot.

  1. Dahil nalugod si Haring Lamoni kay Ammon, inialok niya ang kanyang anak na babae upang maging asawa ni Ammon. (Tama. Tingnan sa Alma 17:24.)

  2. Sinabi ni Ammon na gusto niyang maging tagapagsilbi ng hari. (Tama. Tingnan sa Alma 17:25.)

  3. Natakot si Ammon na baka mapahamak siya nang ikalat ng isang pangkat ng mga Lamanita ang mga kawan ng hari. (Mali. Tingnan sa Alma 17:28–30.)

  4. Taglay ang pambihirang lakas, nilabanan ni Ammon ang mga Lamanita at pinutol ang mga bisig ng mga nagtaas ng kanilang pambambo upang hampasin siya. (Tama. Tingnan sa Alma 17:37–38.)

Matapos ang exercise na ito, tiyakin na alam ng mga estudyante ang mga tamang sagot.

Itanong sa mga estudyante kung nakadama na ba sila ng takot o kakulangan ng kakayahan o nadama na ba nila na masyadong mahirap para sa kanila na gawin ang isang assignment o tungkulin. Sabihin sa kanila na sa lesson ngayon, pag-aaralan nila ang mga alituntunin na makatutulong sa kanila sa gayong mga sitwasyon.

Hatiin sa dalawang grupo ang klase. Ipabasa sa unang grupo ang Alma 18:1–4 at ipabasa sa pangalawang grupo ang Alma 18:8–11. Habang nagbabasa sila, sabihin sa kanila na isipin kung paanong naihanda si Ammon ng kanyang katapatan para maturuan niya si Lamoni at ang mga tao nito. Pagkatapos nilang makapagbasa, itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang mga naisip ng hari at ng kanyang mga tagapagsilbi tungkol sa pagkatao ni Ammon?

  • Ayon sa Alma 18:2, 4, ano ang inisip ni Lamoni na dahilan ng pagdating ni Ammon? (Para parusahan ang mga tao dahil sa kanilang mga pagpaslang at hadlangan si Lamoni sa pagpatay pa ng marami sa kanyang mga tagapagsilbi.)

  • Ayon sa Alma 18:10, ano pa ang hinangaan ni Lamoni kay Ammon maliban pa sa pambihirang lakas na ipinakita nito sa pagprotekta sa mga kawan? (Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang mga salitang katapatan at napakatapat.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Kapag pinaglilingkuran natin nang tapat ang iba, …

Sabihin sa mga estudyante kung paano nila kukumpletuhin ang pangungusap na ito habang patuloy nilang pinag-aaralan ang Alma 18.

Alma 18:12–43

Nang ituro ni Ammon ang plano ng pagtubos, nakita ni Lamoni na kailangan niya ang Tagapagligtas

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kapangyarihan ng mga turo ni Ammon at ang malaking pagbabago na nagsimulang madama ni Haring Lamoni, ilahad ang Alma 18:12–35 bilang isang readers’ theater. Pumili ng apat na estudyante at bigyan ng babasahing bahagi ang bawat isa. Gawing tagapagsalaysay ang isa, at ipabasa sa tatlong iba pa ang mga sinabi nina Ammon, Haring Lamoni, at isa sa mga tagapagsilbi ng hari. Maaari mong tulungan ang mga estudyante sa paghahanda sa pamamagitan ng pagbibigay ng bahagi o babasahin nila nang mas maaga, marahil isang araw bago magklase o bago magsimula ang klase.

Ipabasa sa apat na estudyante ang kanilang bahagi sa Alma 18:12–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa sa kanilang banal na kasulatan at alamin ang epekto kay Lamoni ng paglilingkod ni Ammon. Pagkatapos mabasa ang talata 15, ihinto sandali ang reader’s theater at sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Sa palagay ninyo, bakit walang imik si Lamoni sa harap ni Ammon? (Kung kailangan, ipaalala sa mga estudyante na natakot si Lamoni dahil sa mga pagpaslang na nagawa niya at inisip niya ni si Ammon ang Dakilang Espiritu na dumating para parusahan siya.)

Ipagpatuloy ang readers’ theater at ipabasa sa mga kalahok ang kanilang bahagi sa Alma 18:16–21. Hikayatin ang klase na alamin ang katibayan na ang kapangyarihan ng Diyos ay na kay Ammon.

  • Paano tinulungan si Ammon ng Espiritu ng Diyos sa sitwasyong ito?

  • Ano ang gustong malaman ni Lamoni kay Ammon?

  • Sa bahaging ito ng tala, ano ang nalaman ni Lamoni tungkol kay Ammon? (Nalaman niya na may taglay na kakaibang kapangyarihan si Ammon at kaya nitong mahiwatigan ang iniisip ng ibang tao.)

Patingnan sa mga estudyante ang hindi kumpletong pahayag na isinulat mo sa pisara sa simula ng klase: Kapag pinaglilingkuran natin nang tapat ang iba, …

  • Batay sa natutuhan ninyo ngayon sa Alma 17–18, paano ninyo kukumpletuhin ang pangungusap na ito? (Maaaring iba-iba ang isagot ng mga estudyante. Para maibuod ang kanilang mga sagot, kumpletuhin ang pahayag sa pisara na tulad ng sumusunod: Kapag pinaglilingkuran natin nang tapat ang ibang tao, matutulungan natin silang maghanda na tanggapin ang mga katotohanan ng ebanghelyo.)

Sabihin sa mga kalahok na basahin ang kanilang mga bahagi sa Alma 18:22–32. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga partikular na katotohanang itinuro ni Ammon kay Lamoni. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na ibahagi ang mga katotohanang nalaman nila. Isulat sa pisara ang kanilang mga sagot.

Sabihin sa mga kalahok na basahin ang kanilang mga bahagi sa Alma 18:33–35. Sabihin sa klase na alamin kung paano ipinaliwanag ni Ammon ang kakayahan niyang malaman ang iniisip ng hari at ang kakayahan niyang protektahan ang mga kawan ng hari. Matapos magbasa ang mga kalahok sa readers’ theater, pasalamatan sila sa pagtulong. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Upang matulungan ang mga estudyante na makita kung paano pinagpala ng Diyos si Ammon para makapaglingkod kay Lamoni at sa kanyang mga tao, itanong:

  • Ano ang ilang bagay na nagawa ni Ammon na lampas sa likas na kakayahan niya?

Ituro na sa paglilingkod ni Ammon kay Haring Lamoni, pinaglilingkuran din niya ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Isulat sa pisara ang sumusunod: Kapag pinaglilingkuran natin nang tapat ang Ama sa Langit at si Jesucristo, …

  • Batay sa natutuhan ninyo tungkol sa halimbawa ni Ammon, paano ninyo kukumpletuhin ang pahayag na ito? (Maaaring iba-iba ang isagot ng mga estudyante. Sa pagbubuod ng kanilang mga sagot, kumpletuhin ang pahayag sa pisara na tulad ng sumusunod: Kapag pinaglilingkuran natin nang tapat ang Ama sa Langit at si Jesucristo, nadaragdagan ang kakayahan nating magawa ang Kanilang gawain.)

  • Paano kaya naaangkop ang alituntuning ito sa isang taong nakadarama ng takot o iniisip na masyadong mahirap gawin ang isang assignment o tungkulin?

  • Kailan mo nadama na tinulungan ka ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na magawa ang Kanilang gawain? (Maaari mong ikuwento kung paano dinagdagan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang mga kakayahan mo sa paglilingkod sa Kanila. O maaari ka ring magbigay ng halimbawa mula sa buhay ng iba.)

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang katotohanang ito, isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong. Sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa isa sa mga tanong na ito.

Paano makatutulong sa inyo ang alituntuning ito sa mga tungkulin ninyo sa kasalukuyan at sa hinaharap?

Paano ninyo pag-iibayuhin ang inyong katapatan upang maramdaman ninyo na dinaragdagan ng Panginoon ang kakayahan ninyong magawa ang Kanyang gawain?

Ipaliwanag na ang pamamaraan ni Ammon sa pagtuturo kay Lamoni sa Alma 18:36–39 ay ang pamamaraang ginagamit ng mga missionary ngayon. Itinuro niya ang plano ng kaligtasan, kabilang na ang Paglikha, ang Pagkahulog nina Adan at Eva, at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod na tanong:

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang ituro ang tungkol sa Paglikha at Pagkahulog kapag itinuturo natin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo?

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Bago natin mauunawaan ang Pagbabayad-sala ni Cristo, … kailangan muna nating maunawaan ang Pagkahulog ni Adan. At bago natin maunawaan ang Pagkahulog ni Adan, kailangan muna nating maunawaan ang Paglikha. Ang tatlong mahalagang bahagi na ito ng plano ng kaligtasan ay may kaugnayan sa isa’t isa. …

“… Ang buhay na walang hanggan, na naging posible dahil sa Pagbabayad-sala, ay ang pinakadakilang layunin ng Paglikha” (“The Atonement,” Ensign, Nob. 1996, 33, 35).

Kung ang tatlong doktrinang ito ay hindi pa nakasulat sa pisara, idagdag ito sa inilista mo kanina habang ginagawa ang readers’ theater. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 18:36–39. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga itinuro ni Ammon kay Lamoni tungkol sa Paglikha, Pagkahulog, at Pagbabayad-sala. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.

  • Paano nakatulong kay Lamoni ang pagkaalam tungkol sa mga doktrina ng Paglikha, Pagkahulog, at ng Pagbabayad-sala na madama na kailangan niya ng Tagapagligtas?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 18:40–43 at alamin kung ano ang ipinagdasal ni Lamoni bilang tugon sa pagtuturo ni Ammon. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang pagsamo at pakiusap ni Lamoni.

  • Ano ang naipahiwatig sa panalangin ni Lamoni na naunawaan niya ang tungkol sa kanyang sarili at sa kanyang mga tao? (Naunawaan niya na nagkasala sila at kailangan ng kapatawaran.)

  • Ano ang matututuhan natin mula kay Lamoni tungkol sa nangyayari kapag nauunawaan natin na kailangan natin ang Tagapagligtas? (Sa pagsagot ng mga estudyante sa tanong na ito, tulungan silang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag naunawaan natin na kailangan natin ng Tagapagligtas, nanaisin nating magsisi. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat ang alituntuning ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Alma 18:40–41. Ipaliwanag na bagama’t maaaring magkakaiba ang ating nararanasan sa pagsisisi, matutularan nating lahat ang halimbawa ni Haring Lamoni kapag taos-puso nating hinihiling na kaawaan tayo ng Diyos.)

Sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa sumusunod na tanong:

  • Ano ang magagawa ninyo na makatutulong sa inyo na maalaala na kailangan ninyo ang Tagapagligtas?

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Alma 18:36–39. Pagtuturo ng plano ng kaligtasan

Nang magturo si Ammon kay Lamoni, “siya ay nagsimula sa paglikha ng daigdig,” at pagkatapos ay itinuro niya ang “hinggil sa pagkahulog ng tao” (Alma 18:36). Sa huli, “ipinaliwanag niya sa kanila [sa hari at sa kanyang mga tagapagsilbi] ang plano ng pagtubos,” lalo na ang “hinggil sa pagparito ni Cristo” (Alma 18:39). Gayundin, itinuro ni Aaron ang mga doktrinang ito sa ama ni Lamoni (tingnan sa Alma 22:12–14).

Tinawag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga pangunahing doktrinang ito na—ang Paglikha, ang Pagkahulog, at ang Pagbabayad-sala—na “tatlong haligi ng kawalang-hanggan” at “pinakadakilang mga pangyayari na naganap sa buong kawalang-hanggan.” Ipinaliwanag niya:

“Kung mauunawaan natin ang mga ito, ang buong plano ng kawalang-hanggan ay magtutugma-tugma, at magagawa nating maisakatuparan ang ating sariling kaligtasan. …

“… Ang tatlong ito ang pundasyon kung saan ang lahat ng bagay ay nakasalalay. Kung wala ang isa man sa mga ito lahat ng bagay ay mawawalan ng layunin at kabuluhan, at ang mga plano at layunin ng Maykapal ay mawawalang-saysay” (“The Three Pillars of Eternity” [Brigham Young University devotional address, Peb. 17, 1981], 1, speeches.byu.edu).

Ipinaliwanag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng bawat bahagi ng plano:

“Kailangan sa plano ang Paglikha at dahil doon ay kinailangan ang Pagkahulog at ang Pagbabayad-sala. Ito ang tatlong pangunahing sangkap ng plano. Ang Paglikha ng malaparaisong planeta ay nagmula sa Diyos. Ang pagiging mortal at kamatayan ay dumating sa daigdig sa pamamagitan ng Pagkahulog ni Adan. Ang kawalang-kamatayan at ang posibilidad ng pagkakaroon ng buhay na walang hanggan ay inilaan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang Paglikha, ang Pagkahulog, at ang Pagbabayad-sala ay matagal nang nakaplano bago pa man nagsimula ang aktuwal na Paglikha” (“Ang Paglikha,” Liahona, Hulyo 2000, 84).

Bukod pa sa pagtuturo ng mga doktrina ring iyon, sina Ammon at Aaron ay gumamit ng magkatulad na pamamaraan sa kanilang pagtuturo. Nagturo sila nang simple, sa paraang mauunawaan ng kanilang mga tagapakinig (tingnan sa Alma 18:24–30; 22:7–11). Nagturo sila mula sa mga banal na kasulatan (tingnan sa Alma 18:36–39; 22:12–14). Ang mga itinuro nila ay naghikayat sa iba na manalangin (tingnan sa Alma 18:40–41; 22:15–18).