Library
Lesson 64: Mosias 23–24


Lesson 64

Mosias 23–24

Pambungad

Pagkatapos matakasan ni Alma at ng kanyang mga tao ang hukbo ni Haring Noe, nagtayo sila ng isang matwid na lunsod. Bagama’t nagbalik-loob sila sa ebanghelyo, nakaranas sila ng mga paghihirap at pagsubok. Ginawa silang alipin ng mga Lamanita. Nang manampalataya si Alma at ang kanyang mga tao, pinagaan ng Panginoon ang kanilang mga pasanin at sa huli ay napalaya mula sa pagkaalipin. (Pansinin na ang tinatayang panahon na saklaw ng Mosias 23–24 ay kapareho sa panahong saklaw ng Mosias 19–22.)

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mosias 23:1–20

Tinulungan ng Panginoon si Alma at ang kanyang mga tao na makatakas sa mga hukbo ni Haring Noe at nagtayo sila ng isang matwid na lunsod

Nagbibinyag si Alma sa mga Tubig ng Mormon

Ipakita sa mga estudyante ang larawang Nagbibinyag si Alma sa mga Tubig ng Mormon (06048; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 76). Anyayahan ang isang estudyante na sabihin sa klase kung ano ang nalalaman niya tungkol sa lalaking nagbibinyag ng mga tao sa larawan. (Kung hindi makasagot ang mga estudyante, maaari mong ipabasa sa kanila ang chapter summary ng Mosias 18 para maipaalala sa kanila ang ulat tungkol kay Alma at sa kanyang mga tao sa mga Tubig ng Mormon.)

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na magsalitan sa pagbasa ng Mosias 23:1–5, 19. Sabihin sa kanila na hanapin ang mga parirala na nagpapakita na pinagpala ng Panginoon si Alma at ang kanyang mga tao nang magsisi sila at piniling mamuhay nang matwid. (Maaari mong imungkahi na markahan nila ang mga pariralang ito.) Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nahanap nila.

Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang kanilang diagram na nagpapakita ng buod ng mga paglalakbay sa Mosias 7–24. Sabihin sa kanila na idrowing ang lupain ng Helam sa kanilang diagram sa tamang lokasyon nito. Sabihin din sa kanila na gumuhit ng arrow mula sa Mga Tubig ng Mormon papunta sa lupain ng Helam, at sulatan ang arrow na ito ng “pag-alis ni Alma at ng kanyang mga tao.” (Para sa kumpletong diagram, tingnan ang apendiks sa katapusan ng manwal na ito.)

Mosiah Map

Ipaliwanag nang kaunti na sa Mosias 23:6–14, tumanggi si Alma sa hiling ng mga tao na siya ay maging hari nila. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 23:9–10, 12. Sabihin sa klase na alamin ang sinabi ni Alma tungkol sa naging impluwensya ni Haring Noe sa kanya at sa kanyang mga tao. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang itinuturo ng mga pariralang “nahulog sa bitag” at “nagapos ng mga gapos ng kasamaan” tungkol sa mga epekto ng kasalanan?

  • Bakit makabubuti para sa atin na malaman ang mga impluwensya na nag-udyok sa atin na magkasala noon?

  • Pagkatapos nating magsisi, bakit kaya mahalagang maalaala kung gaano “[ka]sidhi” ang pagsisisi?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 23:13. Ituro ang payo ni Alma na “maging matatag kayo sa kalayaang ito kung saan kayo ginawang malaya.”

  • Paano naaangkop ang payong ito sa proseso ng pagsisisi? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na kapag pinalaya tayo ng Panginoon mula sa ating kasalanan at naranasan natin ang kalayaan ng kapatawaran, dapat piliin natin ang mabuti para mapanatili ang kalayaang iyan.)

Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang Mosias 23:14–18, at alamin ang ilan sa mga bagay na itinuro ni Alma na dapat gawin ng mga tao para mapanatili ang kanilang kalayaan. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 23:19–20. Sabihin sa klase na hanapin ang parirala na nagpapakita na pinagpala ng Panginoon ang mga tao nang piliin nilang mamuhay nang matwid (“labis na umunlad”).

  • Paano ninyo ibubuod ang natutuhan ninyo mula sa karanasan ni Alma at ng kanyang mga tao? (Kabilang sa iba pang mga katotohanan, maaaring masabi ng mga estudyante na kapag nagsisi tayo at piniling mamuhay nang matwid, pagpapalain tayo ng Panginoon at palalayain tayo mula sa mga gapos ng kasamaan.)

  • Kailan ninyo nakita na nangyari ang alituntuning ito sa inyong buhay o sa buhay ng isang kaibigan o kapamilya? (Paalalahanan ang mga estudyante na hindi nila kailangang magbahagi ng anumang napakapersonal o napakapribadong karanasan.)

Mosias 23:21–29

Inalipin ng isang hukbo ng mga Lamanita at ng masasamang saserdote ni Noe si Alma at ang kanyang mga tao

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na makararanas pa rin ng mga pagsubok ang mabubuti, sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang pangyayari sa kanilang buhay na maiuugnay nila sa sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Richard G. Scott

“Ang pagsubok … ay kinakailangan kahit namumuhay ka nang mabuti at matwid at sumusunod sa mga kautusan [ng Diyos]. Sa panahong tila maayos ang lahat, kadalasang dumarating ang napakaraming pagsubok nang sabay-sabay” (“Trust in the Lord,” Ensign, Nob 1995, 16).

Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang Mosias 23:21–22 para malaman kung bakit pinahihintulutan ng Panginoon ang mga taong namumuhay nang matwid na makaranas ng mga pagsubok at paghihirap. Kapag naibahagi na ng mga estudyante ang nalaman nila, tulungan silang maunawaan na susubukin ng Panginoon ang ating pagtitiis at pananampalataya upang matulungan tayo na mas mapalakas pa ang ating pagtitiwala sa Kanya.

Sabihin sa mga estudyante na isulat ang mga sumusunod na tanong sa kanilang scripture study journal o notebook. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang mga tanong na ito sa pag-aaral nila ng natitirang bahagi ng Mosias 23. Hindi nila isusulat ang kanilang mga sagot hangga’t hindi mo pa sinasabi na gawin nila ito kalaunan sa lesson.

  • Anong mga pagsubok ang nararanasan mo sa kasalukuyan?

  • Paano mo maipapakita ang iyong pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos sa panahong sinusubukan ka?

Ipabasa sa mga estudyante ang Mosias 23:23–29. Sabihin sa kanila na alamin kung paano sinubukan si Alma at ang kanyang mga tao at ano ang ginawa nila para maipakita ang pagtitiwala nila sa Diyos.

  • Paano makatutulong sa atin ang pagdarasal at pagsunod sa payo ng propeta sa panahong sinusubukan tayo? (Madaragdagan nito ang ating pagtitiis at pananampalataya. Matutulungan din tayo nito na magkaroon ng lakas, personal na paghahayag, kapayapaan, at tiwala para makayanan ang ating mga pagsubok o mapalaya mula sa mga ito.)

Mosias 23:30–24:25

Dumanas ng pang-uusig si Alma at ang kanyang mga tao, ngunit pinagaan ng Panginoon ang kanilang mga pasanin at mahimala silang nakalaya

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kaugnayan ni Amulon sa mga Lamanita at sa kanilang hari, ibuod ang Mosias 23:30–39 at 24:1–7. Ipaliwanag na si Amulon ang pinuno ng masasamang saserdote ni Haring Noe, na nagpalayas kay Alma dahil sa pagsuporta nito kay Abinadi. Si Amulon, kasama ang ibang masasamang saserdote at kanilang mga Lamanitang asawa, ay sumapi sa mga Lamanita. Nakuha ni Amulon ang loob ng hari ng mga Lamanita, na siyang nagtalaga sa kanya na mamuno sa lahat ng mga Nephita sa lupain ng Helam, kabilang na ang mga tao ni Alma.

Papuntahin ang isang estudyante sa harap ng klase, at ipasukbit sa kanya ang isang backpack na walang laman. (Kakailanganin ng estudyante ang kanyang banal na kasulatan.) Itanong sa estudyante kung gaano kadaling dalhin ang backpack na walang laman sa buong maghapon. Ipabasa nang malakas sa estudyanteng ito ang Mosias 24:8–11. Sa tuwing mababasa ng estudyante ang tungkol sa isang bagay na naging pagsubok kay Alma at sa kanyang mga tao, maglagay ng isang bato o iba pang mabigat na bagay sa backpack. Kapag natapos nang magbasa ang estudyante, itanong kung gaano kadaling dalhin ang backpack na maraming laman sa buong maghapon. (Dapat manatili ang estudyante sa harap ng klase at sukbit ang backpack hanggang hindi mo siya pinauupo.) Itanong sa klase:

  • Ano ang maaaring sinasagisag sa ating buhay ng mga bato o mabibigat na bagay na nasa backpack?

  • Paano nakakaapekto sa atin ang ganitong mga uri ng pasanin?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 24:10–12. Sabihin sa klase na alamin ang ginawa ng mga tao ni Alma para makatanggap ng tulong sa kanilang mga pasanin. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang nalaman nila.

  • Paano makatutulong sa atin ang pagdarasal kapag may mabibigat tayong pasanin?

  • Kapag nakakaranas tayo ng mga pagsubok, bakit nakapapanatag na malaman na nalalaman ng Diyos ang “mga nasasaloob ng [ating] mga puso”?

Ipabasa sa mga estudyante ang Mosias 24:13–15 para malaman nila ang nangyari sa mga tao ni Alma nang patuloy silang manalangin na tulungan sila.

  • Ano ang ipinangako ng Panginoon na gagawin para sa mga tao ni Alma? (Kapag nakasagot na ang mga estudyante, maaari mong hilingin sa isa o dalawa pang estudyante na iangat ang ilalim ng backpack para hindi mabigatan ang estudyante na nagdadala nito—sinasagisag nito kung paano pagagaanin ng Panginoon ang ating mga pasanin.) Paano nauugnay ang pangakong ito sa tipang ginawa nila sa mga Tubig ng Mormon? (Tingnan sa Mosias 18:8–10.)

  • Bakit mabuting malaman na hindi agad palaging inaalis ng Panginoon ang ating mga pasanin o mga pagsubok?

  • Ano ang matututuhan natin sa paraan ng pagtugon ni Alma at ng kanyang mga tao sa kanilang mga pagsubok?

  • Kailan ninyo nadama na binigyan kayo ng lakas ng Panginoon para makayanan ang isang pagsubok o mapasan ang isang pasanin?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mosias 24:16–17, 21. Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang mga salita at mga parirala na mas nagsasaad kung paano tumugon ang mga tao sa kanilang mga pagsubok at kung paano sila tinulungan ng Panginoon. Anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ipaliwanag sa sarili nilang mga salita ang anumang kaugnayang nakita nila sa ginawa ng mga tao at sa ginawa ng Panginoon. Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kapag matiyaga nating sinunod ang kagustuhan ng Panginoon, tayo ay Kanyang palalakasin at palalayain mula sa ating mga pagsubok ayon sa Kanyang takdang panahon.

Sabihin sa estudyanteng nasa harap ng klase na alisin ang sukbit niyang backpack. Itanong ang nadama niya nang mawala na ang mabigat niyang dala-dala. Ipabasa sa estudyante ring iyon ang Mosias 24:21–22. Itanong sa estudyante kung paano niya maiuugnay ang aktibidad na kagagawa niya lamang sa ginawa ng mga tao sa mga talatang ito.

Ibuod ang Mosias 24:18–25 na ipinapaliwanag na nakatakas si Alma at ang kanyang mga tao dahil pinatulog nang mahimbing ng Panginoon ang mga Lamanita. Pagkatapos ay ginabayan ng Panginoon si Alma at ang kanyang mga tao papuntang Zarahemla, kung saan malugod silang tinanggap ni Haring Mosias. “Ibinuhos [ni Alma at ng kanyang mga tao] ang kanilang pasasalamat sa Diyos,” nalalamang “walang makapagpapalaya sa kanila maliban sa Panginoon nilang Diyos” (Mosias 24:21; tingnan din sa Mosias 25:16).

Sa kanilang diagram na nagpapakita ng buod ng mga paglalakbay sa Mosias 7–24, sabihin sa mga estudyante na gumuhit ng arrow mula sa lupain ng Helam papunta sa lupain ng Zarahemla. Sabihin sa kanila na sulatan ito ng “pagtakas ng mga tao ni Alma.”

mga paglalakbay sa Mosias 7–24

Tapusin ang lesson sa pagsasabi sa mga estudyante na isulat ang mga sagot nila sa dalawang tanong na isinulat nila sa kanilang scripture study journal sa simula ng lesson. Sabihin sa kanila na isiping mabuti ang kanilang mga pagsubok at kung paano sila magpapakita ng pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos para matulungan silang magtiis. Magpatooo na kung matiyaga nating susundin ang kagustuhan ng Panginoon, tayo ay Kanyang palalakasin at palalayain mula sa ating mga pagsubok ayon sa Kanyang panahon. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa kung paano sila pinalakas ng Panginoon sa kanilang mga pagsubok.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mosias 21–24. Paghambingin ang pagkaalipin ng mga tao ni Limhi at ang pagkaalipin ng mga tao ni Alma

Mga tao ni Limhi

Mga tao ni Alma

Sila ay naging alipin matapos ang maraming pagdanak ng dugo (tingnan sa Mosias 21:5–13).

Sila ay naging alipin nang walang pagdanak ng dugo (tingnan sa Mosias 23:35–38).

Ang Panginoon ay mabagal sa pakikinig sa kanilang mga pagsusumamo dahil sa kanilang mga kasamaan (tingnan sa Mosias 21:15).

Kaagad sinagot ng Panginoon ang kanilang mga panalangin (tingnan sa Mosias 23:10–13).

Gumaan ang kanilang mga pasanin dahil pinalambot ng Panginoon ang puso ng mga Lamanita (tingnan sa Mosias 21:15).

Pinalakas sila ng Panginoon upang mabata nila ang kanilang mga pasanin nang may kagaanan (tingnan sa Mosias 24:14–15).

Gumawa ng plano si Gedeon para makatakas (tingnan sa Mosias 21:36; 22:1–9).

Sinabi ng Panginoon sa kanila, “Maaliw kayo, sapagkat bukas ay palalayain ko kayo mula sa pagkaalipin” (Mosias 24:16).

Nilasing nila ang mga tagapagbantay (tingnan sa Mosias 22:10).

Pinatulog ng Panginoon ang mga tagapagbantay (tingnan sa Mosias 24:19).

Mosias 23:21. Paano nakabubuti sa atin ang mga pagsubok?

Bagama’t ang mga taong sumunod kay Alma ay nagsisi at naging matapat, hinayaan sila ng Panginoon na pansamantalang pahirapan ng mga Lamanita bilang pagsubok sa kanilang pagtitiis at pananampalataya.

Itinuro ni Elder Orson F. Whitney ng Korum ng Labindalawang Apostol na lahat ng nararanasan natin ay nagtuturo sa atin ng mahahalagang aral:

“Walang sakit at pagsubok na nararanasan natin ang nasasayang. Tumutulong ito na matuto tayo, mapaunlad ang mga katangiang gaya ng pagtitiis, pananampalataya, katatagan, at pagpapakumbaba. Lahat ng ating pagdurusa at pagtitiis, lalo na’t tinitiis ito nang may pagtitiyaga, ay humuhubog sa ating pagkatao, nagpapadalisay sa ating puso, nagpapabuti sa ating kaluluwa, at ginagawa tayong mas mabait at matulungin, mas karapat-dapat na tawaging mga anak ng Diyos … at sa pamamagitan ng kalungkutan at pagdurusa, pagpapakasakit at hirap, natatamo natin ang kaalaman na layunin ng ating pagparito sa mundo at magiging higit tayong katulad ng ating Ama at Ina sa langit” (sa Spencer W. Kimball, Faith Precedes the Miracle [1972], 98).

Ipinaliwanag pa ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan at layunin ng mga pagsubok:

“Kapag ang mga pagsubok na iyon ay hindi bunga ng inyong pagsuway, ang mga ito ay katibayan na nadarama ng Panginoon na handa kayong umunlad pa (tingnan sa Kaw. 3:11–12). Kaya binibigyan Niya kayo ng mga karanasan na magpapaunlad, magpapalawak ng pang-unawa, at magdaragdag ng pagkahabag, na magpapabuti sa inyong pagkatao para sa inyong walang hanggang kapakinabangan. Upang maialis kayo sa inyong kinalalagyan at maging tulad ng nais Niya, kinakailangang subukan kayo nang husto, at iyan ay karaniwang nagdudulot ng lungkot at hirap” (“Trust in the Lord,” Ensign, Nob. 1995, 16–17).

Mosias 24:15–16. Paano nakakaapekto ang ating ugali sa ating personal na pag-unlad sa pamamagitan ng mga pagsubok?

Hinikayat tayo ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol na umasa sa Panginoon kapag nahaharap tayo sa mga pagsubok:

“Nakatuon ang Panginoon sa inyong personal na paglago at pag-unlad. Ang pag-unlad na iyan ay bumibilis kapag handa kayong tulutan Siyang gabayan kayo sa bawat pag-unlad na mararanasan ninyo, gustuhin man ninyo ito sa simula o hindi. Kapag nagtiwala kayo sa Panginoon, kapag handa kayong isentro ang inyong puso’t isipan sa Kanyang kalooban, kapag hiniling ninyong gabayan kayo ng Espiritu para magawa ang Kanyang kalooban, makatitiyak kayo na makadarama kayo ng pinakamatinding kaligayahan at pinakamalaking tagumpay sa mortalidad na ito. Kung nag-aalinlangan kayo sa lahat ng ipinagagawa sa inyo, o tinututulan ang lahat ng di-kasiya-siyang pagsubok, hindi nagagawa ng Panginoon na pagpalain kayo” (“Finding Joy in Life,” Ensign, Mayo 1996, 25).