Library
Lesson 78: Alma 13


Lesson 78

Alma 13

Pambungad

Noong unang magturo si Alma sa mga mapanghimagsik na tao ng Ammonihas, nakipagtalo sila sa kanya, at nagtanong, “Sino ka?” at hindi sila naniwala sa kanyang awtoridad (tingnan sa Alma 9:1–6). Sila ay nag-apostasiya dahil tinanggap nila ang orden ni Nehor—isang huwad na pagkasaserdote, na ang intensyon ay makinabang ang sarili (tingnan sa Alma 1:2–15; 15:15; 16:11). Kabaligtaran ng mga turo ni Nehor, itinuro sa kanila ni Alma ang “mataas na pagkasaserdote ng banal na orden ng Diyos,” na may mithiing tulungan ang mga tao na magsisi at makapasok sa kapahingahan ng Panginoon (tingnan sa Alma 13:6). Ibigay niyang halimbawa si Melquisedec, na nangaral ng pananampalataya at pagsisisi at tinulungan ang kanyang mga tao na mamuhay nang payapa. Itinuro rin ni Alma ang tungkol sa buhay bago ang buhay na ito at ang pag-oorden noon pa man. Tinapos niya ang kanyang pangangaral sa pag-anyaya sa mga tao na pakingan ang kanyang mga salita upang maging handa sila sa pagpasok sa kapahingahan ng Panginoon.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Alma 13:1–12

Itinuro ni Alma sa mga tao ng Ammonihas ang tungkol sa tungkulin ng matataas na saserdote

Ipaliwanag na ang Alma 13 ay naglalaman ng mga turo ni Alma tungkol sa pangkat ng mga tao na nakatulong nang malaki sa Simbahan. Sa katunayan, pinagpala ang lahat ng miyembro ng Simbahan dahil sa paglilingkod ng mga taong ito.

Sabihin sa mga estudyante na may kilala silang mga tao na bahagi ng pangkat na ito. Pagkatapos ay ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Alma 13:1 para malaman nila kung sino ang mga taong ito. Pagkatapos nilang mabasa ang talatang ito, imungkahi na basahin din nila ang Alma 13:10, 14 at Doktrina at mga Tipan 107:1–3. Maaari mong imungkahi na isulat nila ang mga scripture reference na ito sa margin sa tabi ng Alma 13:1.

Ipaliwanag na tinukoy ni Alma ang mga saserdote na alinsunod sa orden ng Anak ng Diyos, ang Melchizedek Priesthood. Sa madaling salita, binanggit niya ang mga kalalakihang nagtaglay ng katungkulan ng high priest sa Melchizedek Priesthood. Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang mga Nephitang ito, na matatapat at matatapat sa pagsunod sa batas ni Moises, ay nagtaglay ng Melchizedek Priesthood, ibig sabihin nasa kanila rin ang kabuuan ng ebanghelyo. … Ilan sa nakatutulong na impormasyon tungkol sa Melchizedek Priesthood ay matatagpuan sa Alma 13” (The Promised Messiah [1978], 421).

  • Anong mga pagpapala ang dumating sa buhay ninyo dahil sa Melchizedek Priesthood? (Maaaring mabanggit ng mga estudyante ang kaloob na Espiritu Santo, mga patriarchal blessing, iba pang mga pagpapala ng priesthood, ang pamumuno ng mga General Authority, ang pamumuno ng mga lokal na lider tulad ng bishop o branch president, at mga pagpapalang natatanggap nila sa pamamagitan ng mga tipan na ginawa ng kanilang mga magulang sa templo. Maaaring mabanggit din nila ang binyag at ang sakramento, na isinasagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng Aaronic Priesthood ngunit sa ilalim ng pamamahala ng mga lider ng Melchizedek Priesthood.)

Isulat ang mga sumusunod na tanong sa pisara, o gawin itong handout. Bigyan ng sapat na oras na mabasa ng mga estudyante ang Alma 13:2–10 at ipahanap ang mga sagot sa mga tanong.

Kailan unang tinawag at inihanda ang mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood? (Tingnan sa Alma 13:3–5.)

Ano ang tungkulin ng lahat ng maytaglay ng Melchizedek Priesthood? (Tingnan sa Alma 13:6.)

Anong mga parirala sa Alma 13:7 ang naglalarawan sa Melchizedek Priesthood?

Ano ang ilang kwalipikasyon para maorden sa Melchizedek Priesthood? (Tingnan sa Alma 13:10.)

Kapag nahanap na ng mga estudyante ang mga sagot sa mga tanong, sabihin sa kanila na ibahagi ang kanilang mga sagot. Maaari mong isulat sa pisara ang kanilang mga sagot.

Upang matulungan ang mga estudyante na lalo pang maunawaan at matalakay ang binasa nila, maaari mong itanong ang mga sumusunod:

  • Paano nakatutulong ang paglilingkod ng mga maytaglay ng priesthood para malaman natin kung paano umasa kay Jesucristo para sa pagtubos? (Tingnan sa Alma 13:2, 8, 16. Sa pamamagitan ng kanilang halimbawa at mga turo at mga ordenansang isinasagawa nila, inaakay nila tayo sa Tagapagligtas.)

  • Ano ang ibig sabihin ni Alma nang sabihin niya na ang mga mataas na saserdote ay “tinawag at inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig”? (Alma 13:3). (Ang ibig niyang sabihin ay inorden noon pa man ang ilang kalalakihan na tumanggap ng ilang katungkulan sa priesthood.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang pag-oorden noon pa man at paano ito naaangkop sa kanilang buhay, maaari mong ipabasa sa isang estudyante ang mga sumusunod na pahayag.

Itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Bawat lalaki na may tungkuling maglingkod sa mga tao sa daigdig ay inordenan sa mismong layuning iyon sa Malaking Kapulungan ng langit bago nilikha ang daigdig na ito. Sa palagay ko ay inordenan ako sa mismong katungkulang ito sa Malaking Kapulungang iyon” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 598).

Sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimbal: “Sa daigdig na pinanggalingan natin bago tayo naparito sa lupa, ang matatapat na kababaihan ay binigyan ng mga partikular na gawain samantalang ang matatapat na kalalakihan ay inordena sa simula pa lang sa partikular na mga gawain sa priesthood. Bagama’t hindi natin naaalala ngayon ang mga detalye, hindi nito nababago ang maluwalhating katotohanan ng pinagkasunduan natin noon” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 258).

  • Ano ang itinuturo ng Alma 13:3 tungkol sa dapat nating gawin para magampanan ang mga misyong itinalaga na sa atin noon pa man?

  • Kapag ang isang lalaki ay inorden sa isang katungkulan sa priesthood, ano ang dapat na maging kahulugan ng ordinasyong iyon sa kanya? (Tingnan sa Alma 13:8. Ang tanong na ito ay maaaring sagutin hindi lamang ng mga kabataang lalaki kundi pati ng mga kabataang babae. Maaaring makatulong sa mga kabataang lalaki ang mga isasagot ng mga kabataang babae.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 13:11–12 at alamin kung paano nabago ang mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood na binanggit ni Alma sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

  • Ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng “ang mga kasuotan [ng isang tao] ay [m]ahugasang maputi sa pamamagitan ng dugo ng Kordero”?

  • Sa palagay ninyo, bakit kailangang mabago ang mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo? Sa paanong paraan natin matutularan ang kanilang mga halimbawa?

Ipaalala sa mga estudyante na itinuro ni Alma ang mga katotohanang ito sa mga tao ng Ammonihas. Marami sa mga taong ito ay “nasa katungkulan ni Nehor” (Alma 14:18; 15:15), ibig sabihin tinanggap nila ang mga turo ni Nehor. Si Nehor ang taong nagtatag ng isang huwad na orden na tinawag ni Alma na “huwad na pagkasaserdote” (tingnan sa Alma 1:12–15).

  • Paano naiiba ang matatapat na maytaglay ng Melchizedek Priesthood sa mga taong sumusunod sa mga turo ni Nehor? (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na basahing muli ang Alma 1:2–6 at hanapin ang mga pagkakaiba ng huwad na pagkasaserdote ni Nehor at ng Melchizedek Priesthood.)

  • Ang mga tao ng Ammonihas ay dati nang naturuan ng tungkol sa Melchizedek Priesthood at tumanggap ng mga pagpapala sa pamamagitan ng Melchizedek Priesthood (tingnan sa Alma 9:21; 13:1). Sa palagay ninyo, bakit mahalaga para sa mga tao ng Ammonihas na mapaalalahanan ng kanilang dating natutuhan tungkol sa Melchizedek Priesthood?

  • Ano ang mga natutuhan ninyo tungkol sa priesthood sa lesson na ito? (Magmungkahi man ng maraming katotohanan ang mga estudyante, dapat maipahayag sa kanilang mga sagot na ang mga ordenansa ng priesthood at ang paglilingkod ng priesthood ay tumutulong sa atin na malaman kung paano umasa kay Jesucristo para sa pagtubos.)

Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat nila sa notebook o scripture study journal ang alituntuning ito at ang ibang mga alituntuning natukoy nila. Kung may oras pa, sabihin sa kanila na isulat kung paano maiimpluwensyahan ng mga alituntuning ito ang pananaw nila sa kapangyarihan at mga pagpapala ng priesthood.

Alma 13:13–20

Itinuro ni Alma ang tungkol kay Melquisedec, isang dakilang mataas na saserdote na nagtatag ng kapayapaan sa kanyang mga tao

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na salita at parirala: mataas na saserdote o high priest, hari, pinairal ang malakas na pananampalataya, nangaral ng pagsisisi, nagtatag ng kapayapaan, prinsipe ng kapayapaan, naghari sa ilalim ng kanyang ama. Huminto muna matapos isulat ang bawat salita o parirala para pahulaan sa mga estudyante, nang hindi tumitingin sa kanilang banal na kasulatan, kung sino ang inilarawan ni Alma sa mga salita at pariralang ito. (Inilarawan niya si Melquisedec.) Kung mali ang hula ng mga estudyante matapos mong maisulat ang lahat ng salita at parirala sa pisara, ipabasa sa kanila ang Alma 13:14.

Kung may mga estudyante na humula na si Jesucristo ang tinutukoy ni Alma, itanong kung bakit ang Tagapagligtas ang naiisip nila kapag inilalarawan ang isang matwid na high priest. Tulungan sila na maunawaan na ang mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood ay “alinsunod sa orden ng Anak, ang Bugtong ng Ama” (Alma 13:9; tingnan din sa D at T 107:2–4). Ituro na dapat pagsikapan ng mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood na tularan ang halimbawa ni Jesucristo sa kanilang paglilingkod at sa kanilang mga pagtuturo. Ipaalala rin sa mga estudyante na ang mga ordenansang isinasagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood ay mas naglalapit sa atin sa Tagapagligtas.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 13:14–19. Hikayatin ang klase na isipin kung paano nakatulong sana sa masasamang tao ng Ammonihas ang nalaman nila tungkol kay Melquisedec.

  • Sa Alma 13:17, ano ang mga salitang naglalarawan sa mga tao ni Melquisedec? Ano ang pagkakatulad ng mga taong ito sa mga tao ng Ammonihas? (Tingnan sa Alma 8:9; 9:8.)

  • Ano ang ginawa ni Melquisedec bilang pinuno ng kanyang mga tao? Paano nakaimpluwensya sa mga tao ang kanyang pamumuno? Ano ang kaibhan ng impluwensyang ito sa impluwensya ng mga tao sa Ammonihas na sumunod sa mga turo ni Nehor? (Tingnan sa Alma 8:17; 10:27, 32.)

Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang Alma 13:16–18, na ipinapahayag ang mga katotohanang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa mga responsibilidad ng mga lider ng priesthood. Sa paglalahad nila ng mga buod, tiyakin na maipapahayag nila na tinutulungan tayo ng mga lider ng priesthood na umasa kay Jesucristo, magsisi, at mamuhay nang mapayapa. (Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat ang mga buod nila sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Alma 13:16–18.) Ipaliwanag na ang iba pang mga lider ng Simbahan, tulad ng mga lider sa Relief Society at Young Women, ay may mahalagang bahagi sa gawaing ito. Sa paglilingkod kasama ang mga lider ng priesthood, tumutulong sila sa paggabay sa mga indibidwal at pamilya na lumapit kay Cristo.

  • Paano nakatulong sa inyo ang paglilingkod ng mga lider ng Simbahan?

Alma 13:21–31

Inanyayahan ni Alma ang mga tao na makinig sa tinig ng Panginoon at pumasok sa Kanyang kapahingahan

Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng ideya na inulit sa Alma 13:12, 13, 16, 29. Dapat nilang makita ang salitang kapahingahan at ang pariralang “kapahingahan ng Panginoon.” Maaari mo silang hikayating markahan ang ideyang ito sa bawat talata. Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ibig sabihin ng kapahingahan sa Panginoon sa buhay na ito at sa kabilang-buhay, basahin ang mga sumusunod na pahayag:

“Ang mga sinaunang propeta ay nangusap tungkol sa ‘pagpasok sa kapahingahan ng Diyos’ [tingnan sa Alma 12:34; D at T 84:23–24]; ano ang ibig sabihin nito? Sa aking isipan, ang ibig sabihin nito ay pagpasok sa kaalaman at pag-ibig ng Diyos, na may pananampalataya sa kanyang layunin at sa kanyang plano, hanggang sa puntong nalalaman natin na tama tayo, at na hindi na tayo naghahanap pa ng iba” (Joseph F. Smith, Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith [2011], 65).

“Ang tunay na mga banal ay pumapasok sa kapahingahan ng Panginoon habang nasa mundong ito, at sa pagsunod sa katotohanan, magpapatuloy sila sa pinagpalang kalagayang iyan hanggang sa sila ay mamahinga sa piling ng Panginoon sa langit. … Ang kapahingahan ng Panginoon, sa kawalang-hanggan, ay pagtatamo ng buhay na walang hanggan, at ng kaganapan ng kaluwalhatian ng Panginoon” (Bruce R. McConkie, Mormon Doctrine, 2nd ed. [1966], 633).

Ipaliwanag na sinabihan ni Alma ang mga tao ng Ammonihas na magsisi at maghanda para sa pagdating ni Jesucristo (tingnan sa Alma 13:21–26). Pagkatapos ay nagbahagi siya ng mga alituntunin na kailangan nilang sundin upang makapasok sa kapahingahan ng Panginoon.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Alma 13:27.

  • Anong mga salita sa Alma 13:27 ang nagpakita ng nadama ni Alma sa mga tao at sa kanyang mensahe?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 13:27–29. Sabihin sa klase na alamin ang mga alituntunin na inaasam ni Alma na susundin ng mga tao. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na isulat ang mga alituntunin na nalaman nila. Halimbawa, maaari nilang sabihin na kapag mapagkumbaba tayong sumunod sa paanyaya na magsisi, gagabayan tayo ng Espiritu na makapasok sa kapahingahan ng Panginoon.

Sabihin sa mga estudyante na magsulat ng mga mithiin kung paano nila susundin ang payo sa Alma 13:27–29. Magpatotoo na makapapasok tayo sa kapahingahan ng Panginoon sa buhay na ito at sa kabilang buhay kapag sinunod natin ang mga alituntuning itinuro ni Alma.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Alma 13:1. “Aking itutuon ang inyong mga isipan pabalik”

Maaaring magtaka ang mga estudyante kung bakit sinabi ni Alma na “aking itutuon ang inyong mga isipan pabalik” at pagkatapos ay nagsalita tungkol sa pangyayari na lumipas na (tingnan sa Alma 13:1). Makatutulong na tandaan na ang Alma 13 ay karugtong ng diskurso na makikita rin sa Alma 11 at 12. Ang katapusan ng Alma 12 ay naglalaman ng mga salita ni Alma tungkol sa Pagkahulog nina Adan at Eva (tingnan sa Alma 12:22–23, 30–32). Sa simula ng Alma 13, ipinagpatuloy ni Alma ang kanyang tala, na sinasabi sa mga tao na “[ituon ang [kanilang] mga isipan pabalik” sa panahon matapos ang Pagkahulog nang mag-orden ang Panginoon ng mga saserdote upang ituro ang Kanyang mga kautusan.

Alma 13:3. Kalayaang pumili sa buhay bago ang buhay na ito

Nang magsalita tungkol sa mga maytaglay ng priesthood at kanilang pagkaorden noon pa man, itinuro ni Alma na “sa simula pa [sila] ay hinayaang mamili sa mabuti o masama” (Alma 13:3). Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith ang katotohanang ito:

“Ang Diyos ay nagbigay sa kanyang mga anak ng kanilang kalayaang pumili maging sa [premortal] na daigdig ng mga espiritu, kung saan ang bawat espiritu ay may pribilehiyo, tulad ng mga tao na naririto sa mundo, na piliin ang mabuti at tanggihan ang masama, o gumawa ng masama at danasin ang mga bunga ng kasalanan. Dahil dito, ang ilan sa mga naroon ay mas matapat na kaysa iba sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon. …

“Ang mga espiritu ng mga tao ay may kalayaang pumili. … Ang mga espiritu ng tao ay hindi pantay-pantay. Maaaring pantay-pantay silang nagsimula, at alam natin na lahat sila ay walang kasalanan sa simula; subalit ang kalayaang pumili na ibinigay sa kanila ang nagbigay sa kanila ng kakayahan para mahigitan ang iba, at samakatwid, sa paglipas ng napakaraming panahon, ay naging mas matalino at mas matapat, sapagka’t sila ay malayang kumilos para sa kanilang sarili, mag-isip para sa kanilang sarili, tanggapin ang katotohanan o maghimagsik laban dito” (Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 1:58–59).

Alma 13:3–5. Buhay bago ang buhay na ito sa mundo at ang pag-oorden noon pa man

Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Wala nang mas malalim na katotohanang ipinaalam sa atin sa panunumbalik kaysa sa kaalaman tungkol sa ating premortal na buhay. Walang ibang simbahan na nakaaalam o nagtuturo ng katotohanang ito. Ang doktrina ay ibinibigay lamang bilang outline, ngunit ang pinakamahahalagang impormasyon ay inulit nang madalas sa mga paghahayag para tiyakin sa atin ang ilang mahahalagang katotohanan.

“… Ang ilang napakahalagang katotohanan tungkol sa ating kalagayan sa premortal na buhay ay ito: ‘Ang tao rin sa simula ay kasama ng Diyos.’ (D at T 93:29.) Tayo ay nabuhay sa piling ng Diyos, ang ating Walang Hanggang Ama; tayo ay Kanyang mga anak. Ang katalinuhan, o espiritu, ay binuo bilang mga espiritu bago pa ang mundo. (Tingnan sa Abraham 3:22.) Bawat isa sa atin ay pinagkalooban ng kalayaang pumili. Ang awtoridad ay iginawad at ang mga lider ay pinili. (Alma 13:1–4.)” (Our Father’s Plan [1984], 14–15).

Nakasaad sa Tapat sa Pananampalataya ang sumusunod na paliwanag tungkol sa pag-oorden noon pa man:

“Sa buhay bago tayo isinilang, pumili ng ilang espiritu ang Diyos na tutupad sa mga natatanging misyon habang nabubuhay sila sa daigdig. Tinatawag itong pag-oorden noon pa man.

“Ang pag-oorden noon pa man ay hindi garantiya na tatanggap ng mga tiyak na tungkulin o responsibilidad ang mga tao. Dumarating sa buhay na ito ang gayong mga oportunidad bunga ng matwid na paggamit ng kalayaang pumili, tulad ng pag-oorden noon pa man sa isang tao bunga ng kabutihan niya sa buhay bago siya isinilang. …

“Ang doktrina ng pag-oorden noon pa man ay para sa lahat ng miyembro ng Simbahan, hindi lamang sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga propeta. Bago nilikha ang daigdig, nabigyan na ng tiyak na mga responsibilidad ang matatapat na kababaihan at naorden na noon pa man sa tiyak na mga tungkulin sa priesthood ang matatapat na kalalakihan. Bagama’t hindi ninyo naaalala ang panahong iyon, tiyak na sumang-ayon kayong tuparin ang mahahalagang tungkulin sa paglilingkod sa inyong Ama. Habang pinatutunayan ninyo ang inyong pagkamarapat, bibigyan kayo ng mga oportunidad na matupad ang mga tungkuling natanggap ninyo noon” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 146).

Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang buhay bago ang buhay na ito ay hindi madaling doktrina. Para sa bawat isa sa atin, may mga pagpili o pasiyang gagawin, mga tuluy-tuloy at mahihirap na gawain na dapat tapusin, mga kabalintunaan at paghihirap na dapat maranasan, mga oras na dapat guguling mabuti, mga talento at kaloob na dapat gamitin nang husto. Hindi ibig sabihin na dahil napili tayo ‘doon at noon,’ ay wala na tayong pakialam ‘dito at ngayon.’ Ito man ay pag-oorden para sa kalakihan, o pagtatalaga para sa kababaihan sa buhay bago tayo isinilang, dapat ding patunayan ng mga natawag at naihanda na sila ay ‘pinili at tapat.’ (Tingnan sa Apoc. 17:14; D at T 121:34–36.)” (“Premortality, a Glorious Reality,” Ensign, Nob. 1985, 17).