Lesson 6
1 Nephi 1
Pambungad
Ang Aklat ni Mormon ay nagsimula sa matapat na pagtupad ni Lehi ng kanyang tungkulin bilang propeta. Si Lehi ay isa sa “maraming propeta, nagpopropesiya sa mga tao na kinakailangan silang magsipagsisi” (1 Nephi 1:4). Nang magpropesiya siya tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem at magpatotoo tungkol sa pagtubos sa pamamagitan ng Mesiyas, kinutya siya ng maraming tao at gusto siyang patayin. Gayunpaman, nagalak si Lehi sa awa at kapangyarihang magligtas ng Panginoon. Kapag nalaman ng mga estudyante ang tungkol sa paglilingkod ni Lehi, mas lalo nilang mauunawaan ang tungkulin ng mga propeta ngayon. Kapag hinanap nila ang katibayan ng awa ng Diyos at pagmamalasakit Niya sa kanilang buhay, mas lalalim ang ugnayan nila sa Kanya.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
1 Nephi 1:1–3
Sinimulan ni Nephi ang kanyang talaan
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 1 Nephi 1:1–3. Sabihin sa kanila na tukuyin ang dahilan kung bakit isinulat ni Nephi ang kanyang talaan.
-
Anong mga dahilan ang ibinigay ni Nephi sa pagsulat ng kanyang mga karanasan?
-
Sa inyong palagay, bakit nadama ni Nephi na siya ay “labis na [pinagpapala] ng Panginoon” kahit dumaranas siya ng “maraming paghihirap”?
1 Nephi 1:4–20
Nakatanggap ng isang pangitain si Lehi at binalaan ang mga tao na mawawasak ang Jerusalem
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na binalaan sila ng kanilang mga magulang tungkol sa isang panganib.
-
Bakit kayo binalaan ng inyong mga magulang tungkol sa panganib na iyon?
-
Sa paanong mga paraan binabalaan ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak?
Ipaliwanag na nagsimula ang unang tala sa Aklat ni Mormon sa panahong ang maraming tao sa Jerusalem ay masasama. Ipabasa sa isang estudyante ang 1 Nephi 1:4. Sabihin sa klase na alamin ang paraan kung paano binalaan ng Panginoon ang mga tao sa Jerusalem.
Isiping gamitin ang segment na ito mula sa Mga Video ng Aklat ni Mormon kapag itinuro mo ang bahaging ito (tingnan sa Mga Video ng Aklat ni Mormon: Mga Tagubilin sa Seminary Teacher).
Ipaliwanag na ang ama ni Nephi na si Lehi, ay kasama ng “maraming propeta” na binanggit sa talatang ito. Binalaan niya ang mga tao na kinakailangan nilang magsisi. Para matulungan ang mga estudyante na malaman ang mga babala at turo ni Lehi, pagpartnerin ang mga estudyante at ipabasa sa kanila ang 1 Nephi 1:5–13. Sabihin sa kanila na tukuyin ang mga nakita ni Lehi sa pangitain, markahan ang mga ito sa kanilang banal na kasulatan o kaya’y ilista sa papel. Bigyan ng ilang minuto ang magkakapartner na talakayin ang sumusunod na tanong. (Maaari mong isulat sa pisara ang tanong na ito.)
-
Ano ang madarama ninyo kung makita ninyo sa pangitain na ang inyong lungsod ay mawawasak?
Kasunod ng aktibidad, sabihin sa mga estudyante na tahimik na basahin ang 1 Nephi 1:15, at alamin ang nadama ni Lehi pagkatapos ng pangitaing ito.
-
Ano ang reaksyon ni Lehi sa mga bagay na nakita niya?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 1:14–15. Hikayatin ang klase na alamin ang mga dahilan kung bakit nagalak si Lehi. (Maaaring kinakailangan mong ipaliwanag na kahit nalaman ni Lehi na mawawasak ang Jerusalem, nakita rin niya na ang mga taong nagtitiwala sa Diyos ay hindi masasawi.)
-
Kailan ninyo pinapurihan ang Diyos, kahit nahihirapan kayo sa inyong buhay?
-
Ano ang ilang pagpapalang dulot ng pagkilala sa “kabutihan at awa” ng Panginoon sa panahong nahihirapan kayo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag:
“Gaya ng mga propeta noon, pinatototohanan ng mga propeta ngayon si Jesucristo at itinuturo ang Kanyang ebanghelyo. Ipinaaalam nila ang kalooban at tunay na katauhan ng Diyos. Hayagan at malinaw silang nagsasalita, na isinusumpa ang kasalanan at nagbababala tungkol sa mga kahihinatnan nito. Kung minsan, maaari silang mabigyang-inspirasyon na magpropesiya tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap para sa ating kapakinabangan” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 93).
Bigyang-diin na si Lehi ay isang halimbawa ng katotohanan na ang mga propeta ay nagbibigay ng babala laban sa kasalanan at nagtuturo ng kaligtasan sa pamamagitan ni Jesucristo. (Maaari mong isulat sa pisara ang katotohanang ito.)
Isiping gamitin ang segment na ito mula sa Mga Video ng Aklat ni Mormon kapag itinuro mo ang bahaging ito (tingnan sa Mga Video ng Aklat ni Mormon: Mga Tagubilin sa Seminary Teacher).
Ipabasa sa mga estudyante ang 1 Nephi 1:19–20.
-
Ano ang itinuro ni Lehi?
-
Ano ang reaksyon ng mga tao sa mga itinuro ni Lehi?
-
Bakit hindi tinatanggap ng ilang tao sa ating panahon ang mga mensahe ng mga propeta ng Panginoon?
-
Kailan kayo napagpala o napangalagaan dahil sinunod ninyo ang propeta?
1 Nephi 1:20
Nagpatotoo si Nephi tungkol sa magiliw na awa ng Panginoon
Ituro na sa pangalawang pangungusap ng 1 Nephi 1:20, inihinto ni Nephi ang kanyang pagsasalaysay upang magbigay ng mensahe sa mga magbabasa ng kanyang mga salita. Ipabasa sa mga estudyante ang 1 Nephi 1:20, at ipahanap ang mensahe na nais ni Nephi na makita natin. Kung kailangan, ituon ang kanilang pansin sa pariralang ginamit ni Nephi upang simulan at ipabatid ang mensahe (“ako, si Nephi, ay magpapatunay sa inyo …”).
-
Paano makatutulong sa inyo ang paghahanap sa ganitong uri ng parirala sa inyong personal na pag-aaral ng Aklat ni Mormon?
-
Ano ang nais patunayan ni Nephi sa atin?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 1:20. Ipabasa sa isa pang estudyante ang Moroni 10:3. Sabihin sa klase na alamin ang magkaparehong ideya na sinasabi sa dalawang talata.
-
Anong magkaparehong ideya ang gusto nina Nephi at Moroni na mapansin ng mga magbabasa?
Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang alituntuning ito: Ang magiliw na awa ng Panginoon ay ibinibigay sa mga taong sumasampalataya sa Kanya. (Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung ano ang magiliw na awa ng Panginoon at kung paano madarama ito sa kanilang buhay, ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang magiliw na awa ng Panginoon ay ang lubhang personal at indibiduwal na mga pagpapala, kalakasan, proteksyon, katiyakan, patnubay, mapagmahal na kabaitan, kasiyahan, suporta, at mga espirituwal na kaloob na natatanggap natin mula at dahil kay at sa pamamagitan ng Panginoong Jesucristo. …
“… Ang magiliw na awa ng Panginoon ay hindi basta-basta nangyayari o nagkakataon lamang. Dahil sa katapatan at pagsunod ay natatanggap natin ang mahahalagang kaloob na ito at, kadalasan, tinutulungan tayo ng Panginoon na makilala ang mga ito sa Kanyang takdang panahon.
“Hindi natin dapat maliitin o balewalain ang kapangyarihan ng magiliw na awa ng Panginoon” (“Ang Magiliw na Awa ng Panginoon,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 99–100).
-
Paano ipaliwanag ni Elder Bednar ang pariralang “magiliw na awa ng Panginoon”?
-
Anong mga halimbawa ng magiliw na awa ng Panginoon ang nakita ninyong ibinigay sa inyo o sa isang taong kilala ninyo?
Matapos masagot ng mga estudyante ang tanong na ito, sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano nila mas mapapansin ang magiliw na awa ng Panginoon sa kanilang buhay. Hikayatin sila na mas pansinin ang magiliw na awa na ibinibigay sa kanila ng Panginoon. Maaari mong imungkahi na isulat nila sa kanilang personal journal ang kanilang mga karanasan tungkol sa magiliw na awa. Maaari mo silang bigyan ng oras na magsulat sa kanilang scripture study journal o notebook ng isa o dalawang paraan na nagkaloob ng magiliw na awa sa kanila ang Panginoon nitong mga nakaraang araw.
Tapusin ang lesson sa muling pagbanggit ng patotoo ni Nephi na nasa 1 Nephi 1:20 tungkol sa magiliw na awa ng Panginoon. Magpatotoo sa katotohanan na pinagpapala at pinangangalagaan ng Panginoon ang bawat tao. Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga halimbawa tungkol sa magiliw na awa ng Panginoon sa kanilang buhay at sa buong Aklat ni Mormon.