Home-Study Lesson
Jacob 5–Omni (Unit 10)
Pambungad
Sa lesson na ito, magkakaroon ang mga estudyante ng pagkakataong pag-isipan ang pagmamahal ng Panginoon para sa kanila tulad ng makikita sa Jacob 5. Kung may oras pa, maaari mo ring ituro sa kanila mula sa Jacob 5 ang tungkol sa kanilang tungkulin bilang mga tagapaglingkod ng Panginoon. Matatalakay ng nga estudyante ang mga katotohanan mula sa Jacob 7 na makatutulong sa kanila kapag pinagdudahan o pinuna ng iba ang kanilang mga paniniwala. Magkakaroon din sila ng pagkakataon na sabihin sa klase kung paano nila ipinamumuhay ang natutuhan nila mula sa aklat ni Enos. Bukod pa riyan, maaaring ibahagi ng mga estudyante ang mga mensaheng inihanda nila tungkol sa paraan kung paano natin susundin ang paanyayang lumapit kay Cristo sa Omni. Kung ito ang gusto mong ipagawa sa kanila, makabubuting kausapin nang maaga ang ilang estudyante at anyayahan silang maghanda na ibahagi ang kanilang mensahe sa klase.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Jacob 5–6
Binanggit ni Jacob ang talinghaga ng mga punong olibo para maipakita na masigasig na gumagawa ang Panginoon para sa ating kaligtasan
Ipaalala sa mga estudyante na sa talinghaga ng mga punong olibo, ang mga sanga mula sa likas na puno ay nakakalat sa iba’t ibang dako ng olibohan. Sumasagisag ito sa pagkalat ng mga pinagtipanang tao ng Diyos—ang mga miyembro ng sambahayan ni Israel—sa iba’t ibang ng dako ng mundo. Sa huli, gayunpaman, lahat ng puno sa olibohan ay nabulok (tingnan sa Jacob 5:46). Ipaliwanag na sumasagisag ito sa panahon ng Malawakang Apostasiya.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Jacob 5:61–62, at alamin ang ipinagawa ng Panginoon sa Kanyang tagapagsilbi (Kanyang propeta) upang matulungan ang mga puno na muling mamunga. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:
-
Sa inyong palagay, sino ang kinakatawan ng “mga tagapagsilbi” na ito? (Mga lider ng Simbahan, mga missionary, at lahat ng miyembro ng Simbahan.)
-
Ano ang kakaiba tungkol sa panahon na tinawag ang mga tagapagsilbing ito para gumawa?
Maikling ipaliwanag na ang mga paggawang ito ay sumasagisag sa pagtitipon ng sambahayan ni Israel. Upang matulungan ang estudyante na maunawaan na bahagi sila ng grupo ng mga tagapagsilbi na tinawag na gumawa sa olibohan ng Panginoon, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Dean L. Larsen ng Pitumpu. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan kung sino ang tinutukoy niya na “mga huling manggagawa sa olibohan.”
“[Ngayon] ang panahon na gagawa ng huling matinding paggawa ang Panginoon at ang kanyang mga tagapaglingkod para madala ang mensahe ng katotohanan sa lahat ng tao sa buong mundo at mabawi ang mga inapo ng sinaunang Israel na nawalan ng kanilang tunay na pagkakakilanlan. …
“Isinilang kayo sa mundong ito sa panahong naitatag ang pundasyon para sa dakilang gawaing ito. Ang ebanghelyo ay ipinanumbalik sa huling pagkakataon. Ang Simbahan ay naitayo na sa halos lahat ng dako ng mundo. Ang entablado ay naisaayos na para sa huling matinding yugto na gagawin. Kayo ang magiging pangunahing tauhan. Kayo ay kabilang sa mga huling manggagawa sa olibohan. … Ito ang paglilingkod kung saan kayo napili” (“A Royal Generation,” Ensign, Mayo 1983, 33).
Itanong ang mga sumusunod:
-
Sino ang sinabi ni Elder Larsen na mga tagapagsilbi, o “mga huling manggagawa,” na tinawag upang gumawa sa ubasan?
-
Ano ang mga pagkakataong mayroon kayo para mapaglingkuran ang Panginoon at matulungan ang iba na magkaroon ng “mabuting bunga”?
Ipabasa nang malakas sa buong klase ang Jacob 5:71. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang mga ipinangako ng Panginoon sa mga gagawang kasama Niya. Tanungin ang mga estudyante kung kailan nila nadama na pinagpala sila sa kanilang mga pagsisikap na paglingkuran ang Panginoon.
Jacob 7
Umasa si Jacob sa Panginoon nang harapin niya si Serem at hikayatin ang mga Nephita na bumaling sa Panginoon
Paalala: Sa Jacob 7, nalaman ng mga estudyante kung paano nadaig ni Jacob ang oposisyon mula sa isang taong nagngangalang Serem, isang anti-Cristo, sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya kay Jesucristo. Bagama’t ang lesson na ito ay hindi nakatuon sa pagharap ni Jacob kay Serem, maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibuod ang mga pangyayari at tukuyin ang katotohanang natutuhan nila mula sa halimbawa ni Jacob. Bigyang-diin lalo na ang katotohanang hindi tayo matitinag sa ating pananampalataya kung ang ating mga patotoo ay batay sa paghahayag at mga espirituwal na karanasan na totoong nangyari sa atin.
Enos
Pagkatapos matanggap ang kapatawaran ng kanyang mga kasalanan, nanalangin si Enos para sa iba at gumawa para sa kanilang kaligtasan
Idrowing ang diagram sa pisara o sa isang papel. Sabihin sa klase na ipaliwanag kung paano ito nauugnay sa karanasan ni Enos.
Hatiin ang mga estudyante sa tatlong grupo. (Kung maliit lang ang klase mo, maaaring isang estudyante lang sa isang grupo.) Sabihin sa unang grupo na basahin ang Enos 1:4–6 at maghandang ipaliwanag ang isang katotohanang matututuhan natin mula sa panalangin ni Enos para sa kanyang sarili. Sabihin sa pangalawang grupo na basahin ang Enos 1:9–10 at maghandang ipaliwanag ang isang katotohanang matututuhan natin mula sa bahaging iyan ng panalangin ni Enos. Sabihin sa pangatlong grupo na basahin ang Enos 1:11–14 at maghandang ipaliwanag ang isang katotohanang matututuhan natin mula sa bahaging iyan ng panalangin ni Enos. Pagkatapos ay sabihin sa isang estudyante sa bawat grupo na ibahagi ang naihanda nila. Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang day 3, assignment 9 sa kanilang scripture study journal, at anyayahan ang ilan na ibahagi kung paano nila piniling ipamuhay ang mga katotohanan mula sa aklat ni Enos.
Jarom at Omni
Isinalaysay ng mga tagapag-ingat ng talaan ang mga paghihirap at mga pagpapala ng mga Nephita
Kung may mga tanong ang mga estudyante tungkol sa pandarayuhan ng iba’t ibang tao sa mga lupain ng Western Hemisphere, maaari mong talakayin sa kanila ang materyal sa manwal ng estudyante tungkol sa Omni 1:1−30, kabilang na ang pahayag ni Pangulong Anthony W. Ivins ng Unang Panguluhan.
Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang mensaheng inihanda nila tungkol sa paglapit kay Cristo (day 4, assignment 4). Kung may oras pa, maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na basahin sa klase ang mensahe nila. Kung bago magklase ay hiniling mo sa mga estudyante na magbigay ng kanilang mensahe, tiyaking may sapat kang oras para magawa nila ito.
Tiyaking napasalamatan ang mga estudyante sa kanilang pakikibahagi. Patotohanan na mahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang bawat isa sa iyong mga estudyante, at tiyakin sa kanila na kapag lumapit sila kay Cristo nang kanilang buong kaluluwa, sila ay maliligtas sa Kanyang kaharian.
Susunod na Unit (Mga Salita ni Mormon–Mosias 6)
Sa susunod na unit, babasahin ng mga estudyante ang tungkol sa isang anghel ng Diyos na nagpakita kay Haring Benjamin, nagtagubilin sa kanya, at nagsabi sa kanya ng sasabihin niya sa kanyang mga tao (tingnan sa Mosias 3). Inihayag ni Haring Benjamin ang mga salitang ito sa kanyang mga tao, na nagkaroon ng malaking pagbabago sa kanilang puso.