Library
Lesson 24: 2 Nephi 2 (Bahagi 2)


Lesson 24

2 Nephi 2 (Bahagi 2)

Pambungad

Ang nakaraang lesson sa 2 Nephi 2 ay nakatuon sa Pagkahulog ni Adan at Eva at sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang lesson na ito ay nakatuon sa mga itinuro ni Lehi tungkol sa doktrina ng kalayaang pumili, kabilang na ang katotohanan na malaya nating piliin ang kalayaan at buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesucristo.

Sa lesson na ito, magkakaroon ang mga estudyante ng pagkakataong turuan ang isa’t isa. Bago magklase, maghanda ng mga handout na naglalaman ng mga instruksyon sa lesson na ito. Maging pamilyar sa bawat set ng mga instruksyon para matulungan mo ang mga estudyante habang naghahanda silang magturo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

2 Nephi 2:11–18, 25–30

Itinuro ni Lehi ang kalayaan at karapatan nating pumili at ang mga bunga ng ating mga pinili

Ipaalala sandali sa mga estudyante na sa kanilang nakaraang lesson, pinag-aralan nila ang mga turo ni Lehi sa 2 Nephi 2 tungkol sa Pagkahulog nina Adan at Eva at ang mga pagpapalang dulot ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang pinili nina Adan at Eva ay nagtulot sa atin na maparito sa lupa (tingnan sa 2 Nephi 2:25), kung saan natin nararanasan ang kalungkutan, sakit at kamatayan. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, tinubos tayo ni Jesucristo mula sa Pagkahulog at handang tubusin tayo mula sa ating mga kasalanan (tingnan sa 2 Nephi 2:26). Dahil sa Pagbabayad-sala, malaya nating mapipili ang kalayaan at buhay na walang hanggan o pagkabihag at kamatayan (tingnan sa 2 Nephi 2:27).

Ipaliwanag na sa patuloy na pag-aaral ng mga estudyante ng 2 Nephi 2 sa lesson na ito, magkakaroon sila ng pagkakataong turuan ang isa’t isa ng mga alituntunin ng kalayaang pumili na ipinaliwanag ni Lehi sa anak niyang si Jacob. Hatiin ang mga estudyante sa apat na grupo. Bigyan ang bawat grupo ng isa sa mga sumusunod ng set ng mga instruksyon para tulungan sila sa paghahanda sa pagtuturo (bago magsimula ang klase, maghanda ng handout na naglalaman ng mga instruksyong ito). Kung wala pang apat ang mga estudyante mo, bigyan ng set ng mga instruksyon ang bawat estudyante at ikaw na mismo ang magturo ng iba pang materyal sa mga natitirang set.

Ang bawat set ng instruksyon ay may limang assignment. Hikayatin ang lahat ng estudyante na makibahagi at siguruhing may assignment ang bawat miyembro ng bawat grupo. Sa mga grupo na mahigit lima ang miyembro, maaaring paghatian ng mga estudyante ang mga assignment. Sa mga grupo na di lampas sa limang miyembro, hindi lang isang assignment ang kailangang gawin ng ilan sa kanila. Ipaalam sa mga estudyante na may tatlong minuto sila para maghanda at may limang minuto ang bawat grupo para magturo.

Group 1: Nilikha tayo ng Diyos para kumilos

  1. Magpakita sa klase ng isang bato. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 2:14. Bago siya magbasa, sabihin sa klase na alamin ang paglalarawan ni Lehi ng dalawang uri ng mga bagay na nilikha ng Diyos sa kalangitan at sa lupa. (“Mga bagay na kumikilos at mga bagay na pinakikilos.”) Itanong: Paano nauugnay ang talatang ito sa atin at sa bato? (Nilikha tayo para kumilos, samantalang ang bato ay nilikha para pakilusin. Ang bato, tulad ng maraming iba pang nilikha, ay hindi makakakilos nang sa sarili lamang.)

  2. Ipabasa sa isang estudyante ang unang pangungusap sa 2 Nephi 2:16. Itanong sa klase: Sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit, sa palagay ninyo bakit mahalaga na kumilos tayo para sa ating sarili? Matapos sumagot ang mga estudyante, itanong: Paano nangyayari kung minsan na hinihintay pa nating pakilusin tayo kaysa sa kumilos para sa ating sarili?

  3. Isulat sa pisara ang D at T 58:26–28. Sabihin sa klase na tingnan ang scripture passage na ito. Ipabasa ito sa kanila nang sabay-sabay at malakas.

  4. Itanong: Ano ang matututuhan natin sa Doktrina at mga Tipan 58:26–28 tungkol sa pagkilos para sa ating sarili? Ano ang ilang paraan na maaari tayong maging sabik sa paggawa ng maraming kabutihan? Kailan ninyo nakitang nagbunga ng maraming kabutihan ang inyong pagsusumigasig? (Matapos sumagot ang isa o dalawang estudyante, maaari ka ring magbahagi ng iyong karanasan.)

  5. Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa kahalagahan ng pagkilos para sa ating sarili at pagsisikap na gumawa ng maraming kabutihan.

Group 2: Mabuting panghihikayat at masamang panghihikayat

  1. Ipabasa sa isang estudyante ang pangalawang pangungusap sa 2 Nephi 2:16. Itanong sa klase: Ano ang ibig sabihin ng salitang humikayat? (Anyayahan, himukin, o akitin.)

  2. Itanong sa klase: Ano ang ilang paraan na hinihikayat tayo ng Ama sa Langit na gumawa ng mabuti? (Maaaring banggitin ng mga estudyante ang mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo, ipinangakong mga pagpapala sa pagsunod sa mga kautusan, at mga turo ng mga propeta sa mga huling araw.)

  3. Basahin nang malakas ang 2 Nephi 2:17–18, at sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumunod sa pagbasa sa kanilang banal na kasulatan. Ipatukoy sa kanila kung ano ang hangad sa atin ng diyablo. (Gusto niyang maging malungkot tayo.)

  4. Itanong: Paano ninyo malalaman kung aling panghihikayat ang nanggagaling sa Diyos at alin ang mula sa diyablo? (Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong patingnan ang Moroni 7:16–17.) Matapos sumagot ang klase, itanong: Ano ang ilang halimbawa ng mga bagay na naghihikayat sa mga tao na gumawa ng masama na humahantong sa kalungkutan?

  5. Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa mga panghihikayat ng Diyos na nagbubunga ng kabutihan at kaligayahan at ang mga panghihikayat ng diyablo na humahantong sa kasamaan at kalungkutan. Bilang bahagi ng iyong patotoo, maaari mong ibahagi ang isang karanasan para mailarawan kung paano mo nalaman na totoo ito.

Group 3: Tayo ang mananagot sa ating mga pagpili

  1. Basahin ang pahayag na ito sa klase:

    “Malaya kayong pumili at kumilos, ngunit wala kayong layang piliin ang ibubunga ng inyong mga gagawin. Maaaring hindi agad-agad darating ang mga bunga ng inyong ginawa, ngunit laging kasunod ang mga ito” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 46).

    Itanong: Ano ang ilang halimbawa ng mga nagiging bunga ng isang ginawa na hindi kaagad dumarating ngunit darating pa rin kalaunan? (Isang posibleng sagot ay ang pagkakaroon ng kanser dahil sa pagsisigarilyo.)

  2. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 2 Nephi 2:26–27, at alamin ang mga salita at parirala na nagpapakita ng mga epekto sa hinaharap ng mga pinipili natin ngayon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. (Maaaring kasama sa sagot ang “kaparusahan ng batas sa dakila at huling araw,” “kalayaan,” “buhay na walang hanggan,” “pagkabihag,” “kamatayan,” at “pagiging kaaba-aba o kalungkutan.”) Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.

  3. Itanong: Sa inyong palagay, bakit mahalaga sa atin na malaman ang mga kahihinatnan o epekto ng ating mga pinipili sa buhay na ito? Matapos sumagot ang mga estudyante, itanong: Paano nakahihikayat sa atin na piliin ang mabuti dahil alam natin ang mga kahihinatnan nito?

  4. Ipaliwanag na sa 2 Nephi 2:27, sinabi ni Lehi na tayo “ay malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan.” Itanong: Sa inyong karanasan, paano tayo nananatiling malayang pumili dahil mabuti ang ating mga pagpili? Maaari ba kayong magbigay ng mga halimbawa nito? (Maghandang magbigay ng sariling halimbawa.)

  5. Ibahagi ang iyong patotoo na pananagutan natin sa Diyos ang mga pinili natin at laging may kasunod na epekto ang mga napili natin.

Group 4: Piliin ang mabuting bahagi

  1. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 2:28. Ipahanap sa klase ang apat na bagay na hangad ni Lehi para sa kanyang mga anak. Matapos maipabasa ang talata, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang nahanap.

  2. Itanong: Ano ang ilang paraan na makakaasa tayo sa dakilang Tagapamagitan na si Jesucristo para tulungan tayong pumili nang tama?

  3. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 2:29. Itanong sa klase: Paano tayo nabibihag ng diyablo dahil sa ating mga pinili? Bilang bahagi ng talakayang ito, ipaliwanag na kadalasang pinupuntirya ni Satanas ang “kagustuhan ng laman,” o ang hilig ng ating katawan. Kapag nagpapatangay ang mga tao sa mga ganitong tukso, maaari silang malulong at masanay sa nakapipinsalang bagay at gawi. Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

    “Mula sa unang pag-eeksperimento na inaakalang wala namang gaanong epekto, maaari itong maging masamang bisyo. Mula sa eksperimento, ito’y naging gawi. Dahil ito’y naging gawi, hinahanap-hanap na palagi. Dahil hinahanap-hanap na, pagkalulong ang napala. Dahan-dahan itong kumakapit. Ang magapos ng tanikala ng masamang gawi ay unti-unti kaya halos di napapansin hanggang sa humigpit na ito nang humigpit at hindi na makalag pa. … Nadaraig ng pagkalulong ang kalayaan nating pumili” (“Addiction or Freedom,” Ensign, Nob. 1988, 6–7).

    Magpatotoo na makakawala tayo sa mapangwasak na bisyo at adiksyon kapag mabuti ang ating ginagawa.

  4. Basahin ang 2 Nephi 2:30 sa klase. Habang tahimik na sumasabay sa pagbasa ang klase, sabihin sa kanila na magpokus sa mga salitang ito: “Pinili ko ang mabuting bahagi.” Itanong: Ano ang itinuturo ng pahayag na ito tungkol kay Lehi?

  5. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang mga sumusunod na tanong: Sino ang kilala ninyo na “pinili ang mabuting bahagi” na gaya ni Lehi? Sa anong mga paraan ninyo gustong tularan ang halimbawa ng taong ito? Matapos mabigyan ng sapat na oras ang mga estudyante na makapag-isip, sabihin sa isa o dalawa sa kanila na ibahagi ang kanilang mga iniisip. Pagkatapos ay sabihin ang naiisip mo.

Paalala sa titser: Tapusin ang lesson sa pag-anyaya sa mga estudyante na pag-isipan kung ang kanila bang mga pagpili ay inihahantong sila sa kalayaan at buhay na walang hanggan o sa pagkabihag, espirituwal na kamatayan, at kalungkutan. Ipaunawa sa mga estudyante na anumang maling pagpiling nagawa nila ay maitatama kung mananampalataya sila kay Jesucristo at magsisisi. Magpatotoo tungkol sa Tagapagligtas, sa Kanyang Pagbabayad-sala, at sa kapangyarihan Niyang mapalakas tayo sa ating pagsisikap na piliin ang mga bagay na hahantong sa kaligayahan at buhay na walang hanggan.

scripture mastery iconScripture Mastery—2 Nephi 2:27

Para matulungan ang mga estudyante na maisaulo ang 2 Nephi 2:27, isulat sa pisara ang unang letra ng bawat salita, tulad ng sumusunod: A a t a m a s l; a l n b a i s k n k s t. A s a m m n k a b n w h, s p n d T n l n t, o p a p a k, a s p a k n d; s h n n a l n t a m k k n k s. (Maaari mo ring hikayatin ang mga estudyante na markahan ang scripture passage na ito sa paraang madali nila itong mahahanap.)

Ipabigkas sa mga estudyante ang 2 Nephi 2:27 nang sabay-sabay (gamit ang kanilang banal na kasulatan kung kailangan) hanggang sa mabigkas nila ang buong talata gamit lamang ang mga unang letra bilang pantulong sa kanila. Pagkatapos ay burahin ang ilan sa mga letra at ipabigkas muli sa kanila ang banal na kasulatan nang sabay-sabay. Ipagpatuloy ang prosesong ito hanggang sa mabura na ang lahat ng letra at kaya nang bigkasin ng klase ang buong talata nang saulado. Bilang bahagi ng aktibidad na ito, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang isinaulong talata ay nagiging kaibigang palaging nariyan, na hindi nanghihina sa paglipas ng panahon” (“Ang Bisa ng banal na Kasulatan,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 6).

Paalala: Maaaring may sapat na oras ka para magamit ang aktibidad na ito sa lesson na ito. Kung wala ka ng oras, gamitin na lang ito sa iba pang lesson.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

2 Nephi 2:29. “Sa kagustuhan ng laman at ng kasamaan na naroroon”

Hindi ibig sabihin sa talatang ito na masama ang ating mga katawan. Sa halip, inilalarawan nito ang isang aspeto ng ating nahulog na kalagayan. Isinama sa Tapat sa Pananampalataya ang paliwanag na ito: “Sa nahulog na kalagayang ito, nagtatalo ang ating kalooban. Tayo ay mga espiritung anak ng Diyos, na may potensyal na ‘makabahagi … sa kabanalang mula sa Dios’ (II Ni Pedro 1:4). Gayunman, ‘[tayo] ay di karapat-dapat sa [harapan ng Diyos]; dahil sa pagkahulog ng [ating] katauhan ay naging patuloy na masama’ (Eter 3:2). Kailangan tayong magpatuloy sa pagsisikap na madaig ang di matwid na mga pagnanasa at paghahangad” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 138).