Lesson 152
Moroni 1–3
Pambungad
Pagkatapos mapaikli ang mga ulat sa mga lamina ni Eter, inakala ni Moroni na hindi na siya makasusulat pa. Gayunman, siya ay nabigyang-inspirasyon na “[sumulat] ng ilan pang bagay, na marahil ang mga yaon ay magiging mahalaga sa [kanyang] mga kapatid, na mga Lamanita, sa mga darating na araw, alinsunod sa kalooban ng Panginoon” (Moroni 1:4). Makikita sa kanyang mga salita ang kanyang katapatan kay Jesucristo, at makikita rin sa mga ito ang mahahalagang ordenansa ng ebanghelyo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Moroni 1
Nagpagala-gala si Moroni para sa kaligtasan ng kanyang buhay at nagpatuloy sa pagsusulat
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na kuwento ng isang dalagita na nanindigan sa kanyang mga paniniwala sa paaralan:
“Nakatayo sa harap ng klase ang titser namin, nagkukuwento tungkol sa isang maikling tagpo ng isang pelikula na panonoorin namin. … Parang walang anumang ipinaliwanag … ng titser ko na … may mature rating ang pelikula. Natigilan ako. … Hindi ko inakala na mangyayari ito.
“Nakaupo ako at iniisip ang dapat kong gawin. Isang bagay ang palaging sumasagi sa isip ko: Sinabihan kami na huwag manood ng mga hindi angkop na pelikula. Nangatwiran ako na siguro hindi naman masama ang panoorin ang bahaging iyon ng pelikula dahil nasa paaralan naman ako. Pero mas nanaig sa isipan ko ang sinabi sa amin na huwag manood ng hindi angkop na pelikula kaysa sa katwiran ko.
“Marahan akong nagtaas ng kamay, at sa harap ng buong klase, nakiusap ako na maupo sa labas ng silid-aralan habang ipinapalabas ang pelikula. Tila lahat sila ay nakatingin sa akin nang iusog ko ang aking upuan at kunin ang aking aklat. Nakita ko ang hitsura ng kanilang mga mukha; hindi lang talaga nila nauunawaan.
“Habang nakaupo sa may pasilyo, napakasaya ko. Alam ko na tama ang ginawa ko, anuman ang sabihin ng mga kaklase o titser ko. Pakiramdam ko ay mas lumakas ako. Alam ko na hindi ko kailangang manood ng hindi angkop na pelikula dahil lamang sa sinabi ito ng titser ko.
“… Naniniwala ako na kapag naharap tayo sa mga sandali ng kagipitan at nanindigan tayo, mas lalakas tayo kaysa sa nakaupo lang tayo at hinayaang mangyari ito.
“Ito ay katatagan ng kalooban na matatagpuan sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas. Kung aasa tayo sa Kanya sa panahong nahihirapan at sinusubukan tayo, tayo ay palalakasin. Makatutulong ang pananampalataya natin sa Kanya para maharap natin ang mga paghihirap at pagsubok” (Catherine Hall, “Standing Up, Standing Out,” New Era, Peb. 2012, 11).
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Moroni 1:1–3 at alamin kung paano mag-isang pinanindigan ni Moroni ang kanyang paniniwala. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Maaari mong itanong ang mga sumusunod:
-
Ano ang kahulugan sa inyo ng “hindi itatatwa ang Cristo?”
-
Kailan kayo nagpakita o ang isang kakilala ninyo ng determinasyon na sundin si Jesucristo habang nasa gitna ng paghihirap?
Ipaliwanag na bagama’t ang mga halimbawa ni Moroni at ng dalagita sa kuwento ay mabubuting halimbawa ng hindi pagtatwa kay Jesucristo, bawat isa sa atin ay makagagawa ng desisyon araw-araw na nagpapakita ng pananampalataya, pagsunod, at hangaring “hindi itatatwa ang Cristo.”
-
Ano ang ilang paraan na matutularan ninyo ang halimbawa ni Moroni? (Maaaring isagot ng mga estudyante na hindi nila ikahihiya ang ebanghelyo at ang mga pamantayan nito, susundin ang mga kautusan, magpapakita ng mabuting halimbawa, mananatiling matatag sa patotoo kay Jesucristo kahit ang iba ay hindi.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 1:4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang dahilan kung bakit ipinasya ni Moroni na magpatuloy sa pagsusulat. Matapos maibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, bigyang-diin na sumulat si Moroni para sa kapakinabangan ng mga inapo ng mga taong gusto siyang patayin.
-
Ano ang matututuhan natin sa hangarin ni Moroni na tulungan ang mga Lamanita? (Maipapakita natin ang ating determinasyong sundin si Jesucristo sa pagpiling magpakita ng pagmamahal sa ating mga kaaway.)
Ipaliwanag na ang determinasyon ni Moroni na sundin si Jesucristo ay naghikayat sa kanya na sumulat pa ng ilang pangunahing aspeto ng Simbahan na nadama niyang “mahalaga” (Moroni 1:4). Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano magiging mahalaga ang Moroni 2–3 sa kanila kapag pinag-aralan nila ang mga kabanatang ito.
Moroni 2
Itinala ni Moroni ang mga tagubilin ni Jesucristo hinggil sa paggawad ng kaloob na Espiritu Santo
Sabihin sa isang binatilyo na pumunta sa harapan ng klase. Sabihin sa klase na isipin kunwari na sa hinaharap ang binatilyong ito ay isang full-time missionary. Siya at ang kanyang kompanyon ay nagtuturo ng ebanghelyo sa isang tao, at nagpasya ang taong ito na magpabinyag. Ang binatilyo sa inyong klase ay inanyayahang gawin ang ordenansa ng kumpirmasyon, na kinapapalooban ng paggagawad ng kaloob na Espiritu Santo. Itanong sa binatilyo ang sumusunod:
-
Anong paghahanda ang gagawin mo para sa pagsasagawa ng ordenansang ito? (Matapos sumagot ang binatilyo, tawagin din ang iba sa klase para maibahagi nila ang kanilang ideya.)
Ipaliwanag na noong dalawin ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas ang mga Nephita, “hinawakan niya ng kanyang kamay ang mga disipulo na kanyang pinili” at “ibinigay sa kanila ang kapangyarihan na magkaloob ng Espiritu Santo” (3 Nephi 18:36–37). Isinama ni Moroni sa kanyang talaan ang ilan sa mga tagubilin ng Tagapagligtas sa labindalawang Nephitang disipulo hinggil sa pagbibigay ng kaloob na Espiritu Santo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 2:1–3 at sabihin sa klase na alamin ang sumusunod na impormasyon.
-
Ang paghahandang dapat gawin ng isang tao para sa pagsasagawa ng ordenansa
-
Paraan ng pagsasagawa ng ordenansa
Matapos mabasa ng mga estudyante ang mga talata, itanong ang ilan o lahat ng mga sumusunod:
-
Ayon sa footnote b para sa Moroni 2:2, anong priesthood ang kailangan para maigawad ang kaloob na Espiritu Santo? (Ang Melchizedek Priesthood.)
-
Anong paghahanda ang dapat gawin ng isang Melchizedek Priesthood holder para sa pagbibigay ng kaloob na Espiritu Santo? (Dapat siyang “mananawagan sa Ama sa pangalan [ni Jesucristo], sa mataimtim na panalangin.”)
-
Sa inyong palagay, paano makatutulong ang panalangin sa paghahanda ng isang tao sa pagsasagawa ng ordenansa ng priesthood?
-
Paano isinasagawa ang ordenansa ng kumpirmasyon? (Sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay at sa pangalan ni Jesucristo. Ipaliwanag na bahagi ng ordenansang ito ang paggamit ng mga Melchizedek Priesthood holder ng mga partikular na salita. Ang mga full-time missionary ay binibigyan ng maliit na hanbuk na may mga tagubilin kung paano isagawa ang mga ordenansa at basbas ng priesthood.)
(Maaari mong ibuod ang mga natutuhan na ng mga estudyante sa pagsulat ng sumusunod na katotohanan sa pisara: Iginagawad ng mga Melchizedek Priesthood holder ang kaloob na Espiritu Santo sa mga nabinyagang miyembro ng Simbahan sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay.)
Moroni 3
Itinala ni Moroni ang mga tagubilin ni Jesucristo hinggil sa pag-oorden ng mga priest at teacher
Isang o dalawang araw bago ituro ang lesson na ito, maaari mong hilingin sa isang binatilyo na maghandang basahin ang kanyang priesthood line of authority sa klase. (O maaari mong ihandang basahin ang iyong line of authority o ang line of authority ng isang kapamilya o priesthood leader sa inyong ward o branch.) Ipaliwanag na ang priesthood line of authority ay tumutunton sa awtoridad ng priesthood holder pabalik kay Jesucristo. Ang mga Melchizedek Priesthood holder ay maaaring humingi ng rekord ng kanilang line of authority sa pamamagitan ng pagkontak sa headquarters ng Simbahan o sa administrative office sa kanilang lugar. Hindi nagbibigay ang Simbahan ng rekord ng line of authority para sa mga Aaronic Priesthood holder. Gayunman, kung ang isang Aaronic Priesthood holder ay inorden ng isang Melchizedek Priesthood holder, maaaring malaman niya ang line of authority ng taong nag-orden sa kanya.)
Sabihin sa estudyante na basahin ang kanyang line of authority sa klase (o basahin ang line of authority na dinala mo sa klase). Sabihin sa kanya na ibahagi kung ano ang kahulugan sa kanya na alam niya na matutunton niya ang kanyang priesthood authority nang tuwiran kay Jesucristo (o ibahagi ang iyong nadama tungkol sa mga priesthood holder na natunton ang kanilang awtoridad pabalik sa Tagapagligtas).
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang awtoridad na magsagawa ng lahat ng tungkulin ng priesthood ay nagmula kay Jesucristo at sa Ama sa Langit, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang paggawa nang may banal na awtoridad ay nangangailangan ng higit pa sa simpleng kasunduan ng kalalakihan. Hindi ito malilikha ng pagsasanay na panrelihiyon o pagbibigay-karapatan ng kongregasyon. Hindi, sa awtorisadong gawain ng Diyos dapat mayroong kapangyarihan na mas mataas kaysa sa taglay na ng mga tao sa mga kongregasyon o sa kalye o sa seminaryo—isang katotohanan na alam na at hayagang inamin ng maraming matatapat na nagsaliksik sa relihiyon sa loob ng maraming henerasyon na nagbigay-daan sa Panunumbalik. …
“… Tayo sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo, ay matutunton ang linya ng awtoridad ng priesthood na gamit ng pinakabagong deacon sa ward, ng bishop na nangungulo sa kanya, at ng propeta na nangungulo sa ating lahat. Ang linya ay matutunton pabalik sa tuloy-tuloy na kawing sa mga nagministeryong anghel na galing sa Anak ng Diyos Mismo dala ang di matatawarang kaloob na ito mula sa langit” (“Ang Ating Natatanging Katangian,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 44).
-
Bakit mahalagang malaman ninyo na ang lahat ng priesthood holder sa Simbahang ito ay matutunton ang kanilang awtoridad pabalik kay Jesucristo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 3:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano inoorden ang mga indibidwal sa mga katungkulan sa priesthood.
-
Paano inoorden ang mga indibidwal sa mga katungkulan sa priesthood? (Ang mga indibidwal ay inoorden sa mga katungkulan sa priesthood sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga taong may awtoridad.)
-
Bakit kailangang maorden ang indibidwal sa katungkulan sa priesthood ng isang taong kasalukuyang nagtataglay ng katungkulang iyon, o ng mas mataas na katungkulan, sa priesthood?
Sabihin sa mga priesthood holder sa klase na maikling ipaliwanag ang kanilang mga tungkulin sa priesthood. Itanong sa klase:
-
Kailan kayo napagpala dahil tinupad ng isang priesthood holder ang kanyang mga responsibilidad?
Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang nadama kung paano pinagpala ng priesthood ang kanilang buhay. Maaari ka ring magbahagi kung paano napagpala ang iyong buhay dahil sa priesthood.