Lesson 22
2 Nephi 1
Pambungad
Ang mga katotohanan sa 2 Nephi 1 ay sinabi ng isang mapagmahal na magulang at priesthood leader na malapit nang mamatay. Hinikayat ni Lehi ang kanyang mga anak, ang mga anak ni Ismael, at si Zoram na sundin ang mga kautusan ng Diyos. Ipinangako niya sa kanila na kung susundin nila ang mga kautusan ng Diyos, sila ay uunlad sa lupain. Hinikayat din niya sila na sundin ang pamumuno ni Nephi bilang propeta.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
2 Nephi 1:1–23
Hinikayat ni Lehi ang kanyang mga tao na patuloy na mamuhay nang matwid
Sabihin sa mga estudyante na isipin na kunwari ay bigla nilang kinailangang iwan ang kanilang pamilya at maaaring hindi na sila makitang muli kahit kailan.
-
Kung mag-iiwan kayo ng mga huling habilin sa inyong pamilya, ano ang sasabihin ninyo? Bakit?
Matapos mapakinggan ang ilang estudyante, ipaliwanag na ang mga kabanata 1–4 ng 2 Nephi ay naglalaman ng tala ni Nephi tungkol sa huling payo ng kanyang ama. Nakatuon ang lesson na ito sa 2 Nephi 1, na naglalaman ng payo na ibinigay ni Lehi sa kanyang mga anak na lalaki, sa mga anak na lalaki ni Ismael, at kay Zoram.
-
Bakit lalong nagiging mahalaga ang huling payo ng isang magulang o ng isang propeta?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 1:1–5. Sabihin sa klase na tukuyin ang “[dakilang] mga bagay na ginawa ng Panginoon” para sa pamilya ni Lehi.
-
Paano naipakita ng mga dakilang bagay na ito ang awa ng Panginoon?
-
Ano ang isang halimbawa ng dakilang bagay na ginawa ng Panginoon para sa inyo at sa pamilya ninyo?
-
Ano ang nadarama ninyo kapag iniisip ninyo ang awang ibinigay ng Diyos sa inyo at sa inyong pamilya?
Sa isang panig ng pisara, isulat ang Mga Gagawin. Sa isang panig ng pisara, isulat ang Mga Kahihinatnan. Hatiin ang klase sa dalawang grupo. Ipabasa sa unang grupo ang 2 Nephi 1:6–9 at ipabasa sa pangalawang grupo ang 2 Nephi 1:10–12. Ipahanap sa dalawang grupo ang sinabi ni Lehi na maaaring gawin ng kanyang mga inapo. Ipahanap din sa kanila ang mga kahihinatnan ng mga gagawing iyon. Halimbawa, sinabi ni Lehi na kung paglilingkuran ng mga tao ang Panginoon alinsunod sa Kanyang mga kautusan, ang lupain ay magiging lupain ng kalayaan para sa kanila (tingnan sa 2 Nephi 1:7). Habang nagbibigay ng mga sagot ang mga estudyante, ipasulat sa isang estudyante ang mga ito sa pisara.
-
Sa pag-aanalisa ninyo ng mga sagot sa pisara, paano ninyo ibubuod ang mensahe ni Lehi sa kanyang pamilya? (Maaaring iba-iba ang isagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking malinaw ang sumusunod na mensahe: Pinagpapala tayo ng Panginoon kapag sinusunod natin ang Kanyang mga kautusan, at hindi Niya tayo binibigyan ng mga pagpapala kapag hindi natin sinusunod ang Kanyang mga kautusan.)
-
Sa 2 Nephi 1:9, ang pariralang “ang lupaing ito” ay tumutukoy sa Amerika. Ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga masunurin na maninirahan sa “lupaing ito”?
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahulugan ng mga metapora na ginamit ni Lehi para hikayatin ang kanyang mga anak na sundin ang mga kautusan ng Panginoon, magpakita ng alarm clock, tanikala o kadena, at isang bagay na may alikabok o alabok (siguraduhing bigyang-diin ang alikabok, hindi ang bagay).
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 2 Nephi 1:13–14, at alamin ang mga salita at parirala na kaugnay ng tatlong bagay na ito. Pagkatapos nilang magbasa, itaas ang bawat bagay at sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga salita at pariralang natagpuan nila. (Ang mga maaaring sagot ay “gumising,” “pagkakatulog ng impiyerno,” “iwagwag ang mga kakila-kilabot na tanikala,” “mga tanikalang gumagapos,” at “bumangon mula sa alabok.”) Itanong sa mga estudyante kung ano ang maaaring ibig sabihin ng “mahimbing na pagkakatulog,” o maigapos ng “kakila-kilabot na tanikala”, o ang pangangailangang “bumangon mula sa alabok.”
-
Nang gamitin ni Lehi ang mga salita at pariralang ito, ano ang hinihikayat niyang gawin ng kanyang mga anak? (Magsisi, baguhin ang kanilang pag-uugali.)
-
Ano ang sinabi ni Lehi na mangyayari kung ang kanyang mga anak ay hindi gagawing “iwagwag ang [kanilang] mga kakila-kilabot na tanikala”? (Tingnan sa 2 Nephi 1:13.)
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 2 Nephi 1:14–18. Ipaliwanag na ibinigay ni Lehi ang payong ito nang may kabaitan at pagmamahal at matinding pag-aalala (“pagkabalisa”) para sa kapakanan ng kanyang mga anak. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga dahilan kung bakit gusto ni Lehi na sundin ng kanyang pamilya ang mga kautusan ng Panginoon.
-
Bakit nag-aalala si Lehi sa kanyang angkan? (Ipinag-aalala niya ang mga hirap na dadanasin nila dahil sa kanilang mga ginawa, at gusto niyang madama nila ang pagmamahal ng Diyos tulad ng nadama niya.)
Ipabasang muli sa mga estudyante ang 2 Nephi 1:15.
-
Anong pagpapala ang natanggap ni Lehi dahil sa kanyang katapatan?
-
Kailan ninyo nadama na yakap kayo ng mga bisig ng pagmamahal ng Diyos?
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa isang estudyante sa bawat magkapartner na hanapin sa 2 Nephi 1:19–22 ang mga pangako na maaaring naghikayat sa mga anak ni Lehi na magsisi. Sabihin sa isa pang estudyante sa bawat magkapartner na hanapin sa gayunding mga talata ang sinabi ni Lehi na mangyayari sa kanyang mga anak kung hindi nila tatanggapin ang kanyang payo. (Maaari mong isulat sa pisara ang assignment na ito.) Bigyan ang mga estudyante ng tatlo o apat na minuto para makumpleto ang assignment at ibahagi sa isa’t isa ang kanilang mga nalaman. Maaari kang lumibot sa silid habang nagrereport sila sa klase para matulungan mo sila sa talakayan.
Basahin nang malakas sa mga estudyante ang hamon ni Lehi sa 2 Nephi 1:23. Maaari mong pamarkahan sa iyong mga estudyante ang talatang ito. Maaari mo rin silang hikayatin na isulat sa kanilang scripture study journal o class notebook ang isang bagay na maaaring kailangan nilang gawin para “gumising,” o “iwagwag ang mga tanikala” o “bumangon mula sa alabok” upang matanggap nila ang mga pagpapalang binanggit ni Lehi.
-
Ano ang ibig sabihin sa inyo ng “isuot ninyo ang baluti ng kabutihan”? (Tingnan din sa D at T 27:15–18.)
2 Nephi 1:24–32
Pinayuhan ni Lehi ang kanyang mga anak na sundin ang pamumuno ni Nephi bilang propeta
Ipaliwanag na itinuro ni Lehi ang tungkol sa pinagmumulan ng lakas at inspirasyon na ibinigay ng Panginoon sa kanyang pamilya. Ipahanap sa mga estudyante ang pinagmumulang iyon sa 2 Nephi 1:24. (Ang pinagmumulan ay si Nephi, na maglilingkod bilang kanilang propeta matapos mamatay si Lehi.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 1:25–28. Sabihin sa klase na alamin ang mga dahilang ibinigay ni Lehi sa mga tao para sundin si Nephi.
-
Anong mga katangian ang binigyang-diin ni Lehi nang banggitin niya ang pamumuno ni Nephi? Bakit pagtitiwalaan ninyo ang lider na may mga ganitong katangian?
-
Kailan ninyo nakitaan ng ganitong mga katangian ang mga lider ng Simbahan?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 2 Nephi 1:30–32. Sabihin sa kanila na alamin ang mga ipinangako ni Lehi kay Zoram.
-
Ano ang mga pangakong nalaman ninyo?
-
Paano naaangkop ang mga pangakong ito sa atin at sa ating pamilya sa pagsunod natin sa propeta?
Pagkatapos ng talakayang ito, tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na kapag sinunod natin ang mga tinawag ng Diyos na mamuno sa atin, bibiyayaan tayo ng espirituwal na pag-unlad at seguridad. Para masuportahan ang alituntuning ito, magpatotoo tungkol sa mga pagpapalang dumarating kapag sumusunod tayo sa mga lider ng Simbahan.