Pambungad sa Ang Unang Aklat ni Nephi
Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?
Sa pag-aaral ng mga estudyante ng 1 Nephi, malalaman nila na ang “magiliw na awa ng Panginoon ay sumasalahat ng kanyang mga pinili, dahil sa kanilang pananampalataya, upang gawin silang malakas” (1 Nephi 1:20). Malalaman din nila na nais ng Diyos na pagpalain ang Kanyang mga anak. Naranasan ni Lehi at ng kanyang mga tao ang awa at mga pagpapala ng Diyos kapag sinusunod nila ang Kanyang mga kautusan. Humingi ng patnubay sa Diyos sina Lehi at Nephi at natanggap ito sa pamamagitan ng mga panaginip, pangitain, ng Liahona, at paggabay ng Espiritu Santo. Si Nephi ay tumanggap at nagtala ng isang pangitain tungkol sa buong kasaysayan ng daigdig at nakita niya rito ang walang hanggang karunungan ng Diyos; ang binyag, ministeryo at pagkakapako sa krus ni Jesucristo; ang pagkalipol ng mga Nephita; at ang mga huling araw. Tinulungan ng Diyos si Nephi at ang kanyang mga kapatid na makuha ang mga laminang tanso upang magkaroon sila ng mga banal na kasulatan. Iniligtas din Niya si Lehi at ang kanyang mga tao mula sa pagkagutom sa ilang at pagkasawi sa karagatan, at dinala silang ligtas patungo sa lupang pangako. Kapag pinag-aralan ng mga estudyante ang mga karanasan nina Nephi at Lehi sa aklat na ito, matututuhan nila kung paano maghanap at tumanggap ng mga pagpapala mula sa langit.
Sino ang sumulat ng aklat na ito?
Ang anak ni Lehi na si Nephi ang sumulat ng aklat na ito bilang pagsunod sa utos ng Panginoon na mag-ingat ng isang talaan ng kanyang mga tao. Si Nephi ay maaaring isinilang mismo o malapit sa Jerusalem. Siya ay nanirahan doon sa panahon ng paglilingkod ng propetang si Jeremias at paghahari ni Haring Zedekias. Hinangad ni Nephi na magkaroon ng sariling patotoo tungkol sa sinabi ng kanyang ama hinggil sa pagkawasak ng Jerusalem at sa pangangailangang lumisan ang kanilang pamilya. Habang patuloy niyang hinihingi at sinusunod ang payo ng Panginoon, si Nephi ay naging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos. Sinunod niya ang utos na bumalik sa Jerusalem kasama ang kanyang mga kapatid nang dalawang beses—una ay upang kunin ang mga laminang tanso at ang huli ay hikayatin ang pamilya ni Ismael na sumama sa pamilya ni Lehi sa ilang. Sa tulong ng Panginoon, nakagawa si Nephi ng sasakyang-dagat na naglulan sa kanyang pamilya at sa iba pa patawid sa karagatan patungo sa lupang pangako. Nang mamatay si Lehi, pinili ng Panginoon si Nephi na maging pinuno ng kanyang mga tao.
Para kanino isinulat ang aklat na ito at bakit?
Nagsulat si Nephi na nasasaisip ang tatlong grupo ng mga tao na babasa nito: ang mga inapo ng kanyang ama, ang mga pinagtipanang tao ng Panginoon sa mga huling araw, at lahat ng tao sa mundo (tingnan sa 2 Nephi 33:3, 13). Nagsulat si Nephi upang hikayatin ang lahat ng tao na lumapit kay Jesucristo at maligtas (tingnan sa 1 Nephi 6:4).
Kailan at saan ito isinulat?
Isinulat ni Nephi ang talaan na naging 1 Nephi noong mga 570 B.C.—30 taon makaraang lisanin niya at ng kanyang pamilya ang Jerusalem (tingnan sa 2 Nephi 5:30). Isinulat niya ito noong siya ay nasa lupain ng Nephi.
Ano ang ilan sa mga natatanging katangian ng aklat na ito?
Ang 1 Nephi ay naglalaman ng ilang tala tungkol sa mga maluwalhating pagpapahayag sa mga panaginip, pangitain, at mga tuwirang paghahayag. Ang mga paghahayag na ito ay nagpapakita na tinatagubilinan, ginagabayan, at pinoprotektahan ng Diyos ang mga naghahanap sa Kanya:
-
Habang nananalangin si Lehi, may lumitaw na isang haliging apoy, at nakakita at nakarinig siya ng maraming bagay na nagpanginig sa kanya (tingnan sa 1 Nephi 1:6–7).
-
Nakatanggap si Lehi ng isang pangitain kung saan nakita niya ang Diyos at nagbasa mula sa aklat na nagpopropesiya sa pagkawasak ng Jerusalem at pagkabihag ng mga naninirahan dito (tingnan sa 1 Nephi 1:8–14).
-
Iniutos ng Panginoon kay Lehi na lumisan kasama ang kanyang pamilya patungo sa ilang (tingnan sa 1 Nephi 2:1–2).
-
Iniutos ng Panginoon kay Lehi na pabalikin ang kanyang mga anak sa Jerusalem para kunin ang mga laminang tanso (tingnan sa 1 Nephi 3:2–4).
-
Dumating ang isang anghel nang paghahampasin nina Laman at Lemuel sina Nephi at Sam (tingnan sa 1 Nephi 3:29).
-
Iniutos ng Panginoon kay Nephi at sa kanyang mga kapatid na bumalik sa Jerusalem para isama si Ismael at ang pamilya nito (tingnan sa 1 Nephi 7:1–2).
-
Nakatanggap sina Lehi at Nephi ng mga pangitain na kinapapalooban ng punungkahoy ng buhay; ang pagsilang, ministeryo, at Pagbabayad-sala ni Jesucristo; ang kasaysayan ng lupang pangako; ang Panunumbalik ng ebanghelyo at ang digmaan ng mga kampon ng diyablo at ng Simbahan ng Kordero ng Diyos (tingnan sa 1 Nephi 8; 11–14).
-
Ipinakita kay Nephi kung paano gawin ang sasakyang-dagat na magdadala sa kanyang mga tao sa lupang pangako (tingnan sa 1 Nephi 18:1).
Ang 1 Nephi ay naglalaman ng sariling tala ng mga tao na naglakbay patungo sa lupang pangako. Binanggit kalaunan sa Aklat ni Mormon ang dalawang iba pang grupo na naglakbay patungo sa lupang pangako: ang mga Mulekita (tingnan sa Omni 1:14–17) at ang mga Jaredita (tingnan sa Eter 6:4–12).
Ang aklat ng 1 Nephi ay nagbanggit din ng dalawang mahalagang bagay: ang espada ni Laban at ang aguhon, o tagagabay, na tinatawag na Liahona (tingnan sa 1 Nephi 18:12; Alma 37:38). Sa pamamagitan ng Liahona, ginabayan ng Panginoon ang pamilya ni Lehi patungo sa ilang at patawid sa karagatan. Ang espada ni Laban ay ipinasa-pasa sa maraming henerasyon hanggang sa magwakas ang sibilisasyon ng mga Nephita. Ang Liahona at espada ni Laban ay ibinaon kasama ng mga laminang ginto, at ipinakita ang mga ito kay Joseph Smith at sa Tatlong Saksi (tingnan sa D at T 17:1–2).
Outline
1 Nephi 1–7 Isinama ni Lehi ang kanyang pamilya patungo sa ilang. Sinunod ng kanyang mga anak ang utos ng Panginoon na bumalik sa Jerusalem at kunin ang mga laminang tanso at bumalik muli upang hikayatin si Ismael at ang pamilya nito na sumama sa kanila patungo sa ilang.
1 Nephi 8–15 Bawat isa kina Lehi at Nephi ay nakatanggap ng pangitain tungkol sa punungkahoy ng buhay. Inilahad ni Nephi ang kanyang pangitain tungkol sa ministeryo ng Tagapagligtas at ang mga makasaysayang pangyayari hanggang sa Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw.
1 Nephi 16–18 Ginabayan ng Panginoon si Lehi at ang kanyang pamilya sa kanilang paglalakbay patungo sa ilang at patawid sa karagatan patungo sa lupang pangako.
1 Nephi 19–22 Nagpropesiya si Nephi tungkol kay Jesucristo at sa pagkalat at pagtitipon ng Israel.