Library
Lesson 84: Alma 21–22


Lesson 84

Alma 21–22

Pambungad

Tinuruan ng kapatid ni Ammon na si Aaron ang mga Amalekita, ngunit hindi nila tinanggap ang kanynag mensahe tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Pagkatapos ay nangaral siya sa Midoni, na humantong sa pagkabilanggo niya at ng ilan sa kanyang mga kasama. Sila ay nanatiling tapat sa panahon ng kanilang paghihirap, at ipinagpatuloy nila ang kanilang misyon na ibahagi ang ebanghelyo matapos silang mapalaya sa tulong nina Ammon at Haring Lamoni. Matapos maging handa ang ama ni Lamoni dahil sa halimbawa ni Ammon, nalaman niya kay Aaron kung paano “isilang sa Diyos” (Alma 22:15). Nalaman ng ama ni Lamoni na sa pamamagitan ng pagsisisi ng kanyang mga kasalanan, makikilala niya ang Diyos at sa huli ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Alma 21

Si Aaron at ang kanyang mga kapatid ay nangaral ng ebanghelyo sa kabila ng mga paghihirap at pagkabilanggo

Itanong sa mga estudyante kung naramdaman na ba nila na nagsikap naman sila nang husto na masunod ang mga kautusan pero nakaranas pa rin sila ng mga problema o panghihina ng loob. Sabihin sa kanila na magbanggit ng ilang sitwasyon na maaaring magdulot ng ganitong damdamin sa mga tao.

Ipaliwanag na si Ammon ay nagtagumpay sa pagtuturo kay Haring Lamoni at sa kanyang mga tao, samantalang si Aaron at ang kanyang mga kasama ay dumanas ng matitinding paghihirap sa ibang dako ng lupain. Sa pag-aaral ng mga estudyante ng halimbawa ni Aaron at ng kanyang mga kasama, hikayatin silang alamin ang mga aral na makatutulong sa kanila kapag nakaranas sila ng mga pagsubok o panghihina ng loob.

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference: Alma 21:1–4; Alma 21:5–8; Alma 21:9–11; Alma 21:12–15; at Alma 20:29–30. Hatiin ang klase sa limang grupo. Mag-assign sa bawat grupo ng isa sa mga scripture passage na nakasulat sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na maghandang magbigay ng maikling buod ng naka-assign na scripture passage sa kanila at ilarawan ang anumang hirap na tiniis ni Aaron at ng kanyang mga kasama. Pagkaraan ng ilang minuto, sabihin sa mga estudyante mula sa bawat grupo na ibahagi ang nalaman nila.

  • Paano nakayanan ni Aaron at ng kanyang mga kasama ang kanilang mga paghihirap? (Tingnan sa Alma 20:29; 21:9, 12, 15.)

  • Isa sa mga pagsubok na hinarap ni Aaron ay ang pagsalungat ng mga Amalekita nang turuan niya sila (tingnan sa Alma 21:5–10). Ano ang maaari nating gawin kung may isang tao na gustong makipagtalo sa atin tungkol sa relihiyon o hinahamon ang ating mga paniniwala?

Ipaalala sa mga estudyante ang tanong sa simula ng lesson. Nagsikap nang lubos sina Aaron at ang kanyang mga kasama para magawa ang iniutos ng Panginoon sa kanila, ngunit dumanas pa rin sila ng mga paghihirap. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan kung ano kaya ang mararamdaman nila kung mararanasan nila ang nangyari kay Aaron at sa kanyang mga kasama. Ano kaya ang gusto nilang gawin pagkatapos na magdusa at mabilanggo nang malayo sa tahanan alang-alang sa ebanghelyo? Maaari mong itanong sa kanila kung gugustuhin ba nilang umuwi na lang.

Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kapag buong katapatan tayong nagpatuloy sa kabila ng mga pagsubok, tutulungan tayo ng Panginoon na magawa natin ang Kanyang gawain. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 21:16–17. Sabihin sa iba pa sa klase na tahimik na sumunod sa pagbasa, na inaalam kung paano tinulungan ng Panginoon si Aaron at ang kanyang mga kasama na magawa ang Kanyang gawain. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natukoy nila.

Upang matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang alituntuning nakasulat sa pisara, itanong sa kanila kung anong uri ng gawain ang ipinagagawa ng Diyos sa kanila ngayon at anong mga hamon ang maaaring danasin nila para maisakatuparan ang gawaing ito. (Maaari mong ipaliwanag na bukod pa sa gawaing misyonero, makakabahagi ang mga estudyante sa gawain ng Diyos sa pagdalo sa mga miting ng Simbahan, pagganap sa mga tungkulin at gawain, paglilingkod sa iba, pagpapalakas ng kanilang patotoo, at pagiging mas katulad ni Cristo.)

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano nila nalaman na totoo ang alituntuning isinulat mo sa pisara. Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo kung paano tayo tinutulungan ng Panginoon na maisakatuparan ang Kanyang gawain kapag nagpatuloy tayo sa kabila ng mga pagsubok. Sabihin sa mga estudyante na magbigay ng mga halimbawa ng mga pangyayari sa hinaharap na sa palagay nila ay kakailanganin nilang magpatuloy at magsikap sa kabila ng mga pagsubok para magawa ang gawain ng Panginoon.

Ibuod ang Alma 21:18–23 na ipinapaliwanag na matapos tumulong sa pagpapalaya kay Aaron at sa kanyang mga kasama, bumalik na sina Ammon at Lamoni sa lupain ng Ismael, kung saan patuloy silang nangaral ng ebanghelyo. Pinahintulutan ni Lamoni na magkaroon ng kalayaang pangrelihiyon ang kanyang mga tao.

Alma 22

Itinuro ni Aaron ang ebanghelyo sa ama ni Lamoni, na naniwala at isinilang sa Diyos

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong:

Bakit gusto ninyong magkaroon ng buhay na walang hanggan?

Ano ang handa ninyong isakripisyo para magkaroon ng buhay na walang hanggan?

Ipaliwanag na “ang buhay na walang hanggan, o kadakilaan, ay pagmamana ng isang lugar sa pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal, kung saan makakapiling natin ang Diyos at magpapatuloy bilang mga pamilya (tingnan sa D at T 131:1–4). … Ang kaloob na ito ay ginawang posible ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 16). Maikling sabihin sa mga estudyante kung bakit gusto mong magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sa paggawa nito, maaari kang magdispley ng litrato ng iyong pamilya at larawan ng Tagapagligtas. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga tanong sa pisara habang pinag-aaralan nila nang sama-sama ang Alma 22.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 22:1.

  • Ano ang naaalala ninyo tungkol sa ama ni Lamoni mula sa nakaraang lesson? (Maaari mong sabihin sa isang estudyante na ibuod ang Alma 20.)

  • Ayon sa Alma 20:27, ano ang hiniling ng ama ni Lamoni na gawin ni Ammon? (Turuan siya.)

Ibuod ang Alma 22:2–3 na ipinapaliwanag na bagama’t gusto ng ama ni Lamoni na makita si Ammon at maturuan siya nito, natuwa pa rin siya kahit na si Aaron ang pumunta sa kanya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 22:5–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang gustong malaman ng ama ni Haring Lamoni. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.

Hatiin ang klase sa maliliit na grupo. Sabihin sa mga grupo na basahin ang Alma 22:7–14 nang sabay-sabay at ilista ang mga doktrinang itinuro ni Aaron sa ama ni Lamoni. (Halimbawa, maaari nilang banggitin na itinuro niya ang tungkol sa Paglikha, ang Pagkahulog, at ang Pagbabayad-sala.) Matapos matipon ng mga grupo ang kanilang listahan, sabihin sa isang estudyante na ibahagi sa klase ang listahan ng mga doktrina na ginawa ng kanilang grupo. Maaari mong ipasulat sa isang estudyante ang listahan sa pisara. Pagkatapos ay sabihin sa iba pang mga estudyante na isulat ang anumang karagdagang doktrina na inilista ng kanilang grupo.

  • Paano nasagot ng mga doktrinang ito ang tanong ng hari sa Alma 22:6?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 22:15 at alamin ang handang talikuran ng ama ni Haring Lamoni upang magkaroon ng kagalakan at buhay na walang hanggan.

  • Ano ang naiisip ninyo habang pinagninilayan ninyo ang handang talikuran ng hari?

Ipaliwanag na bagama’t handang talikuran ng hari ang lahat ng kanyang ari-arian, itinuro sa kanya ni Aaron ang higit na dakilang sakripisyo na kailangan niyang gawin. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 22:16. Sabihin sa klase na pakinggan ang sinabi ni Aaron na kailangang gawin ng hari.

  • Ano ang sinabi ni Aaron na kailangang gawin ng hari? (Magsisi ng kanyang mga kasalanan at manalangin sa Diyos nang may pananampalataya.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 22:17–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sagot ng hari sa mga tagubilin ni Aaron.

  • Paano ipinakita ng hari na nais niyang magkaroon ng buhay na walang hanggan?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “[talikuran]” ang lahat ng [ating] kasalanan? Sa palagay ninyo, bakit mahalagang pagsisihan ang lahat ng ating mga kasalanan, hindi lamang ang ilan sa mga ito? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na kailangan ng panahon para mapagsisihan ng isang tao ang lahat ng kanyang kasalanan.)

  • Anong matututuhan natin sa ama ni Haring Lamoni tungkol sa paghahanda para sa buhay na walang hanggan? (Bagama’t maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, tiyaking naunawaan nila ang sumusunod na katotohanan: Dapat na handa tayong iwaksi ang lahat ng ating kasalanan upang maging handa para sa buhay na walang hanggan. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang pariralang “tatalikuran ko ang lahat ng aking kasalanan upang makilala kayo” sa Alma 22:18.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Dallin H. Oaks

“Hinahamon tayo ng ebanghelyo ni Jesucristo na magbago. ‘Magsisi’ ang pinakamadalas nitong mensahe, at ang ibig sabihin ng pagsisisi ay isuko ang lahat ng ating nakaugalian—sa sarili, pamilya, kultura, at bansa—na salungat sa mga utos ng Diyos. Layon ng ebanghelyo na gawing selestiyal na mamamayan ang karaniwang nilikha, at kailangan dito ang pagbabago” (“Pagsisisi at Pagbabago,” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 37).

Ipaliwanag na may ilang taong nagtatanong kung kaya ba nila na talagang magsisi at magbago. May ibang nagtatanong kung mapapatawad ba sila o hindi ng Panginoon. Upang matulungan ang mga estudyante na maaaring may ganitong alalahanin, basahin ang sumusunod na pahayag ni Sister Elaine S. Dalton, Young Women general president:

“May isang bagay ba sa buhay ninyo na gusto ninyong baguhin? Mababago ninyo ito. Makapagsisisi kayo dahil sa walang hanggang pagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas. Ginawa niyang posible para sa atin na magbago, na maging dalisay at malinis na muli, at maging tulad Niya. At Kanyang ipinangako na kapag nagsisi tayo, hindi na Niya maaalala pa ang ating mga kasalanan at pagkakamali” (“Panahon na para Bumangon at Magliwanag!” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 124).

Ipaliwanag na kapag nanampalataya tayo at nagsisi sa ating mga kasalanan, nagiging karapat-dapat tayo na tumanggap ng mga ordenansa at tipan ng priesthood na nakatutulong sa atin na paghandaan ang buhay na walang hanggan.

Hikayatin ang mga estudyante na sagutin sa kanilang notebook o scripture study journal ang sumusunod na tanong. (Maaari mong isulat sa pisara ang tanong o basahin ito nang marahan para maisulat ng mga estudyante.)

  • Sa natutuhan ninyo tungkol sa kailangang gawin para magkaroon ng buhay na walang hanggan, ano sa palagay ninyo ang ipagagawa sa inyo ngayon ng Panginoon para mas mapalapit kayo sa Kanya?

Pagkatapos makapag-isip at makapagsulat ang mga estudyante, itanong:

  • Anong katibayan ang nakita ninyo na nagbalik-loob sa Panginoon ang hari? (Ipaalala sa mga estudyante na nagbago na ang hari. Kung noon ay gusto ng hari na patayin ang sariling anak, siya ngayon ay nakahandang talikuran ang kanyang buong kaharian at ang lahat ng kanyang kasalanan upang isilang sa Diyos.)

Ibuod ang Alma 22:19–21 na ipinapaliwanag na matapos bumagsak ang hari dahil sa matinding pagpapadama ng Espiritu, nagtakbuhan ang kanyang mga tagapagsilbi at sinabi sa reyna ang lahat ng nangyari. Nagalit ang reyna at inutos sa mga tagapagsilbi na patayin si Aaron at ang kanyang mga kapatid. Dahil natakot sa kapangyarihan ng mga Nephitang misyonero, tumanggi ang mga tagapagsilbi. Natakot din ang reyna ngunit determinado siya na ipapatay ang mga Nephita. Inutusan niya ang mga tagapagsilbi na humayo at tawagin ang mga tao upang patayin si Aaron at ang kanyang mga kasama.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 22:22–26 at alamin ang ginawa ni Aaron at ng hari upang magbalik-loob at makadama rin ng kagalakan ang reyna at ang iba pa. Tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa pagsisisi at sa pagpapala na mabago sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

scripture mastery iconPagrebyu ng Scripture Mastery

Maaaring matutuhan ng mga kabataan na gamitin ang mga banal na kasulatan sa pagtuturo ng mga katotohanan ng ebanghelyo. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante, at sabihin sa magkapartner na maghanda ng isa hanggang dalawang minutong pagtatanghal kung saan ituturo nila ang isang pangunahing doktrina na naka-assign sa kanila. Sabihin sa kanila na gumamit ng kahit isang scripture mastery passage sa pagtuturo ng doktrina. Sabihin din sa kanila na maaari silang magpaliwanag, magbigay ng mga halimbawa, mga karanasan, at patotoo sa kanilang pagtuturo. Ang dalawang estudyante sa bawat magkakapartner ay dapat makibahagi sa pagtuturo. Pagkatapos ng sapat na oras na paghahanda, sabihin sa dalawa o tatlong magkakapartner na estudyante na magturo sa klase. Maaari mo ring sabihin sa ibang magkakapartner na gawin ang kanilang pagtuturo sa mga susunod na debosyonal o pagkatapos ng maikling lesson.

Paalala: Kung wala kang oras para gawin ang aktibidad na ito bilang bahagi ng lesson na ito, maaari mo itong gawin sa ibang araw. Para sa iba pang aktibidad sa pagrerebyu, tingnan ang apendiks sa katapusan ng manwal na ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Alma 21:16–17. “Nadala nila ang marami sa kaalaman ng katotohanan”

Si Aaron at ang kanyang mga kasama ay nagdanas ng maraming paghihirap bago nila natulungan ang iba na bumaling sa Panginoon. Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson:

“Ang matulungan, maturuan, maantig ang mahahalagang kaluluwang inihanda ng ating Ama para sa Kanyang mensahe ay isang napakalaking gawain. Ang tagumpay ay bihirang madaling makamtan. Karaniwan ay may mga pagluha, pagsubok, tiwala, at patotoo bago ito makamtan” (“Tears, Trials, Trust, Testimony,” Ensign, Mayo 1987, 43).

Alma 22:18. “Tatalikuran ko ang lahat ng aking kasalanan upang makilala kayo”

Tulad ng ama ni Lamoni, dapat handa tayong talikuran ang lahat ng bagay upang maisilang sa Diyos. Sa Lectures on Faith, nalaman natin ang kahalagahan ng pagsasakripisyo sa ating walang-hanggang pag-unlad:

“Unawain natin, ang relihiyon na hindi nangangailangan ng pagsasakripisyo ng lahat ng bagay ay hindi kailanman magkakaroon ng sapat na kapangyarihan upang lumikha ng pananampalatayang kailangan tungo sa buhay at kaligtasan; sapagkat, mula pa sa unang pag-iral ng tao, ang pananampalatayang kailangan upang matamasa ang buhay at kaligtasan ay hindi kailanman makakamtan kung walang pagsasakripisyo ng lahat ng bagay sa mundo. Sa pamamagitan ng sakripisyong ito, at tanging ito lamang, na inorden ng Diyos na magkaroon ng buhay na walang hanggan ang mga tao; at sa pamamagitan ng pagsasakripisyo ng lahat ng makamundong bagay tunay na malalaman ng tao na kanilang ginagawa ang mga bagay na lubos na kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Kapag naisakripisyo ng isang tao ang lahat ng mayroon siya alang-alang sa katotohanan, nang hindi ipinagkakait maging ang kanyang buhay, at naniniwala sa harap ng Diyos na tinawag siya upang gawin ang pagsasakripisyong ito dahil hangad niyang gawin ang Kanyang kagustuhan, tiyak na batid niya, na tatanggapin ng Diyos ang kanyang sakripisyo at alay, at hindi siya nabigo, ni hindi mabibigo sa paghahanap sa Kanya. Sa ganitong kalagayan, kung gayon, ay makakamtan niya ang pananampalatayang kinakailangan upang matamo niya ang buhay na walang hanggan” (Lectures on Faith [1985], 69).

Alma 22:18. “Siya ay bumagsak na tila bagang siya’y patay na”

Ang hari “ay bumagsak na tila bagang siya’y patay na” (Alma 22:18) nang maramdaman niya ang Espiritu nang napakatindi kaya nawalan siya ng pisikal na lakas. Naranasan niya ang naranasan ng kanyang anak na si Lamoni, na mukhang patay na ngunit ang totoo ay nadama nito ang “liwanag ng kaluwalhatian ng Diyos” sa antas na “nadaig nito ang kanyang likas na pangangatawan, at tinangay siya sa Diyos” (Alma 19:6).