Library
Lesson 46: Jacob 5:1–51


Lesson 46

Jacob 5:1–51

Pambungad

Sa pagtuturo sa kanyang mga tao, inilahad ni Jacob ang talinghaga ng mga likas at ligaw na punong olibo, na orihinal na ibinigay ng isang propetang nagngangalang Zenos at kasama sa mga laminang tanso. Ginamit ni Jacob ang talinghagang ito para ituro na ang Panginoon ay naghahangad na magbigay ng kaligtasan sa lahat ng tao—maging sa Kanyang mga pinagtipanang tao na lumayo sa Kanya. Dahil mahaba ang Jacob 5, hinati ito sa dalawang lesson.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Jacob 5:1–14

Binanggit ni Jacob ang mga sinabi ni Zenos, na naghalintulad sa sambahayan ni Israel sa isang likas na punong olibo

Maaaring simulan ang lesson na ito na binabasa ang mga sumusunod na halimbawa ng mga kabataan na pinag-aalinlanganan ang kahandaang magpatawad ng Panginoon sa kanilang mga kasalanan:

  • Isang batang priesthood holder ay may kasalanang nakasanayan na niyang gawin. Naniniwala siya na mapapatawad ang iba, pero nagdududa siya na tatanggapin ng Panginoon ang pagsisisi niya.

  • Isang dalagita ang nagkasala. Nakukunsensya siya, nagagalit sa sarili, at iniisip kung mahal pa rin siya ng Panginoon.

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang sumusunod na tanong at huwag itong sagutin nang malakas:

  • Naisip mo na ba kung handa kang patawarin ng Panginoon sa iyong mga kasalanan?

Ipaliwanag na ipinropesiya ni Jacob na hindi tatanggapin ng mga Judio si Jesucristo (tingnan sa Jacob 4:15). Itinuro din niya na patuloy na gagawa si Jesucristo para sa kaligtasan ng Kanyang mga tao kahit na Siya ay hindi nila tinanggap (tingnan sa Jacob 4:17–18). Para mailarawan ang katotohanang ito, inilahad ni Jacob ang talinghagang ibinigay ng propetang nagngangalang Zenos. Ang isang talinghaga ay gumagamit ng mga tauhan, bagay, at kilos na may sinisimbolo para magturo ng mga katotohanan. Sa pag-aaral ng mga estudyante sa talinghagang ito, matututuhan nila ang mahahalagang aral tungkol sa kahandaan ni Jesucristo na tulungan ang taong lumayo sa Kanya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Jacob 5:1–2, at sabihin sa klase na alamin kung sino ang kinakausap ni Zenos (ang sambahayan ni Israel). Maaaring kailangan mong ipaliwanag na noong nakipagtipan sa Panginoon ang propeta sa Lumang Tipan na si Jacob, binago ng Panginoon kanyang pangalan at ginawa itong Israel. Ang pariralang “sambahayan ni Israel” ay tumutukoy sa mga inapo ni Jacob at sa lahat ng mga tao na nabinyagan at nakipagtipan sa Panginoon.

  • Sino sa klase na ito ang miyembro ng sambahayan ni Israel? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na lahat ng mga nabinyagang miyembro ng Simbahan ay kabilang sa sambahayan ni Israel. Bahagi sila ng talinghaga sa Jacob 5.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Jacob 5:3. Sabihin sa klase na alamin ang ginamit ni Zenos sa kanyang talinghaga para ilarawan ang sambahayan ni Israel. Matapos maibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, ipaliwanag na napakahalaga ng mga punong olibo sa sinaunang Israel, kung saan naninirahan si Zenos. Ang mga olibo ay ginagamit sa pagkain, at ang langis ng olibo ay ginagamit sa pagluluto at paggagamot at sa mga ilawan. Kailangang alagaang mabuti ang mga punong olibo para mamunga ng mabubuting bunga. Ituro na sa talinghagang ito, ang likas na punong olibo ay nasa olibohan, na sumasagisag sa mundo.

  • Ayon sa Jacob 5:3, ano ang nagsimulang mangyari sa likas na punong olibo? Ano ang sinisimbolo ng pagkabulok ng puno? (Hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang footnote 3d sa pagsagot sa tanong na ito.)

  • Ano ang ibig sabihin ng apostasiya? (Pagtalikod sa Panginoon at sa Kanyang ebanghelyo.)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Jacob 5:4–6. Sabihin sa kanila na isipin kung sino ang Panginoon ng olibohan at ano ang isinasagisag ng Kanyang pagpungos, pagbungkal, at pag-aalaga. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na ipaliwanag kung ano sa palagay nila ang isinasagisag ng mga simbolong ito. (Maaaring kailangan mong ipaunawa sa kanila na ang panginoon ng olibohan ay kumakatawan kay Jesucristo. Ang pagpungos, pagbubungkal, at pag-aalaga ay sumasagisag sa mga ginagawa ng Panginoon upang tulungan tayo na matanggap ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala at ang mga pagsisikap ng mga propeta na magturo at manawagan ng pagsisisi sa mga tao.)

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang talinghagang ito na inilahad ni Jacob sa simula ay patungkol na kay Cristo. … Bagama’t ang Panginoon ng olibohan at kanyang mga manggagawa ay nagsikap na palakasin, pungusan, dalisayin, at palaguin ang kanilang mga puno ayon sa isang buong kabanatang buod ng kasaysayan ng pagkalat at pagtitipon ng Israel, ang talagang naging inspirasyon at nag-impluwensya sa lahat ng kanilang mga ginawa ay ang mas malalim na kahulugan ng Pagbabayad-sala” (Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 165).

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano ipinapakita sa talinghagang ito ang pagmamalasakit sa kanila ng Panginoon, ituro sa kanila na maaari nilang ihalili ang kanilang pangalan sa punong olibo. Maipakikita mo ito sa pagbibigay ng sumusunod na halimbawa mula sa Jacob 5:7: “Ikalulungkot kong mawala sa akin [si (ang pangalan) mo].” Ipaliwanag na kapag inihalili natin ang ating pangalan sa Jacob 5 sa mga bahagi na makahulugan at angkop, lalo pa nating malalaman ang pagmamalasakit ng Panginoon sa para sa atin.

Idispley ang sumusunod na chart. Ipaliwanag na nakalista rito ang mga kahulugan ng mga simbolo ng talinghaga ni Zenos. (Maaari mong gawan ng handout ang chart o ipakopya sa mga estudyante ang chart sa kanilang scripture study journal.)

Jacob 5: Ang Talinghaga ng mga Likas at Ligaw na Punong Olibo

Simbolo

Mga Posibleng Kahulugan

Likas na punong olibo

Ang sambahayan ni Israel, ang mga pinagtipanang tao ng Diyos

Ang olibohan

Ang daigdig

Pagkabulok

Kasalanan at apostasiya

Panginoon ng olibohan

Jesucristo

Pagpupungos, pagbubungkal, at pag-aalaga

Ang mga ginagawa ng Panginoon para tulungan ang mga tao na matanggap ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala

Mga tagapagsilbi ng panginoon ng olibohan

Ang mga propeta ng Panginoon

Mga sanga

Mga grupo ng mga tao

Ligaw na punong olibo

Mga Gentil—mga hindi nakipagtipan sa Panginoon. Kalaunan sa talinghaga, ang mga likas na punong olibo ay nabulok, na sumasagisag sa ilang bahagi ng sambahayan ni Israel na nag-apostasiya.

Paghuhugpong at pagtatanim ng mga sanga

Pagkakalat at pagtitipon ng mga pinagtipanang tao ng Panginoon. Bukod diyan, ang paghuhugpong ng mga sanga ng ligaw na olibo sa likas na punong olibo ay sumasagisag sa pagbabalik-loob ng mga naging bahagi ng mga pinagtipanang tao ng Panginoon.

Mga nasusunog na sanga

Mga kahatulan ng Diyos sa masasama

Bunga

Ang mga buhay o gawain ng mga tao

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 5:7, 9–10, at sabihin sa klase na alamin ang ginawa ng panginoon ng olibohan para mailigtas ang likas na punong olibo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang paghugpong ay pagsingit ng isang sanga mula sa isang puno sa ibang puno. Ang paghugpong sa mga talatang ito ay sumasagisag sa pagsisikap ng Panginoon na tulungan ang mga Gentil na maging bahagi ng Kanyang mga pinagtipanang tao sa pamamagitan ng pagpapabinyag at pagbabalik-loob. Ang pagsunog sa ilang mga sanga ay sumasagisag sa mga kahatulan ng Panginoon sa pinakamasasamang miyembro ng sambahayan ni Israel.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Jacob 5:11. Sabihin sa klase na hanapin ang katibayan ng pagmamalasakit ng panginoon para sa mga ugat ng likas na punong olibo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nahanap nila.

Ipaalala sa mga estudyante na nakasaad sa Jacob 5:6 na ang likas na punong olibo ay nagsimulang tubuan ng mga sariwa at murang sanga. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Jacob 5:8, 13–14. Sabihin sa klase na alamin ang ginawa ng panginoon sa mga sangang ito. Maaari mo ring sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano naging isang halimbawa ang paglalakbay ng pamilya ni Lehi sa ginawa ng panginoon sa Jacob 5:8, 13–14.

Jacob 5:15–40

Ang panginoon ng olibohan at ang kanyang mga tagasilbi ay nagtrabaho para matulungang mamunga ng mabuting bunga ang olibohan

Hatiin ang klase sa dalawang grupo. Sabihin sa unang grupo na pag-aralan ang Jacob 5:15–28 at sa pangalawang grupo ang Jacob 5:29–40. Sabihin sa mga estudyante na gawin ang mga sumusunod sa pag-aaral nila (maaari mong isulat sa pisara ang mga instruksyong ito):

  1. Ibuod ang nangyari sa olibohan at ano ang maaaring isinasagisag nito.

  2. Tukuyin ang mga parirala na nagpapakita ng pagsisikap ng panginoon ng olibohan para mapangalagaan ang likas na punong olibo at ang mga sanga nito.

Matapos magkaroon ng sapat na oras ang mga estudyante na pag-aralan ang mga naka-assign na talata sa kanila, ipabuod sa kanila ang nangyari sa olibohan at ipaliwanag kung ano ang isinasagisag nito. Magsimula sa mga estudyante na nag-aral ng Jacob 5:15–28. Narito ang halimbawa ng mga buod at mga paliwanag.

Jacob 5:15–28. Pangyayari: Lahat ng mga sanga na inihugpong ay namunga ng mabuting bunga. Gayunman, ang isang sanga, kahit itinanim sa mainam na dako ng olibohan, ay namunga ng kapwa likas at ligaw na bunga. Ano ang maaaring isagisag nito: Ang mabuti o likas na bunga sa halos lahat ng bahagi ng olibohan ay sumasagisag sa kabutihan sa mundo sa panahon ni Cristo at ng Kanyang mga Apostol. Ang sanga na namunga ng ilang mabuting bunga at ilang ligaw na bunga ay sumasagisag sa mabubuti at masasamang inapo ni Lehi.

Jacob 5:29–40. Pangyayari: Lahat ng bunga sa buong olibohan ay nabulok. Ano ang maaaring isinasagisag nito: Ang pagkabulok ng lahat ng bunga ay sumasagisag sa Malawakang Apostasiya nang nawala ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mundo matapos ang paglilingkod sa mundo ng mga Apostol ni Cristo.

Matapos ibahagi ng dalawang grupo ang mga buod na ito, itanong:

  • Anong mga parirala ang nagpapakita sa pagsisikap ng panginoon na mapangalagaan ang likas na punong olibo at ang mga sanga nito? Ano ang inilalarawan nito tungkol sa nadarama ng Panginoon sa Kanyang mga pinagtipanang tao?

  • Habang tinatalakay natin ang talinghagang ito, ano ang nalaman ninyo tungkol kay Jesucristo, ang panginoon ng olibohan? (Sa maraming katotohanan na itinuro sa mga talatang ito, dapat maunawaan ng mga estudyante na mahal tayo ng Panginoon at masigasig na gumagawa para sa ating kaligtasan.)

  • Paano nauugnay ang talinghagang ito sa mga halimbawa sa simula ng lesson tungkol sa dalawang kabataan na pinag-aalinlanganan ang kahandaang magpatawad ng Panginoon sa kanilang mga kasalanan?

Jacob 5:41–51

Nalungkot ang panginoon para sa kanyang olibohan

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Jacob 5:41–42, 46–50. (Maaari mong ituro na ang pariralang “kataasan ng olibohan” sa Jacob 5:48 ay maaaring tumukoy sa kapalaluan.) Sabihin sa klase na hanapin ang mga parirala na nagpapakita ng pagmamahal at pagmamalasakit ng panginoon sa kanyang olibohan at ng kanyang kalungkutan nang hindi mamunga ng mabuting bunga ang mga puno. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga parirala mula sa mga talatang ito na makabuluhan sa kanila at ipaliwanag kung bakit ito makabuluhan sa kanila. Pagkatapos magbahagi ng mga estudyante, itanong sa klase:

  • Paano sumasagisag ang pangangalaga ng panginoon para sa kanyang olibohan sa pagmamahal sa atin ng Panginoon?

  • Ano ang ilang halimbawa, mula sa mga banal na kasulatan o mula sa inyong buhay, na nagpapakita na patuloy na minamahal at pinagmamalasakitan ng Panginoon ang mga tao kahit na tumalikod sila sa Kanya?

Para tapusin ang lesson na ito, ipaalala sa mga estudyante na binalak ng panginoon na putulin ang lahat ng puno dahil lahat ng bunga ng mga ito ay nabulok sa kabila ng lahat ng ginawa niya (tingnan sa Jacob 5:49).

  • Sa inyong palagay, isusuko ba ng panginoon ang kanyang olibohan? Bakit oo o bakit hindi?

Matapos sumagot ang mga estudyante, basahin ang Jacob 5:51 sa klase. Magpatotoo na mahal tayo ng Panginoon at nagpapakita Siya ng malaking awa at pagtitiyaga sa masigasig Niyang paggawa upang tulungan tayo na makalapit sa Kanya at makagawa ng mabubuting gawa. Ipaliwanag na tatalakayin sa susunod na lesson ang tungkol sa huling gagawin ng panginoon para iligtas ang kanyang olibohan.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Jacob 5:1. Sino si Zenos?

Si Zenos ay isang Hebreong propeta na ang mga isinulat ay makikita sa mga laminang tanso ngunit hindi siya nabanggit sa Lumang Tipan. Nabuhay siya pagkatapos ng propetang si Abraham at bago ang propetang si Isaias (tingnan sa Helaman 8:19–20). Siya ay nagpropesiya at nagpatotoo tungkol kay Jesucristo (tingnan sa 1 Nephi 19:10–12; Helaman 8:19). Si Zenos ay nakilala dahil sa kanyang talinghaga ng mga punong olibo. Kung gusto ng mga estudyante na mabasa pa ang tungkol sa mga propesiya ni Zenos, maaari nilang tingnan ang indeks sa Aklat ni Mormon o triple combination.