Library
Lesson 136: 4 Nephi 1


Lesson 136

4 Nephi

Pambungad

Pagkatapos ng ministeryo ni Jesucristo sa mga inapo ni Lehi, ipinamuhay ng mga tao ang Kanyang mga turo at nagtamasa ng pagkakaisa, pag-unlad at kaligayahan sa loob ng mahigit 100 taon. Sila ay nagkaisa bilang “mga anak ni Cristo” at hindi na tinukoy ang kanilang sarili bilang mga Nephita o mga Lamanita (4 Nephi 1:17). Gayunman, sila kalaunan ay naging mapagmataas at lalo pang naging masama, at muling hinati nila ang kanilang sarili bilang mga Nephita at mga Lamanita. Makaraan ang mga 300 taon pagkatapos ng pagdalaw ng Tagapagligtas, halos lahat ng mga tao ay naging masama.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

4 Nephi 1:1–18

Lahat ng mga tao ay nagbalik-loob at nakaranas ng kapayapaan at kaligayahan

Bago magklase, maghanda ng dalawang blangkong papel para sa bawat estudyante—kung maaari, isang kulay puti at ang isa ay ibang kulay (ang kalahating papel ay sapat na). Ilagay ang mga puting papel sa mesa o upuan ng mga estudyante bago sila dumating. Itabi muna ang papel na iba ang kulay para sa paggagamitan nito kalaunan sa lesson. Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Ano ang tunay na nakapagpapasaya sa inyo? Kapag dumating na ang mga estudyante, ipasulat sa pisara ang mga sagot nila.

Simulan ang lesson sa pagtalakay sa mga sagot na isinulat nila sa pisara. Itanong sa mga estudyante ang sumusunod:

  • Ano ang pagkakaiba ng mga bagay na nagbibigay sa inyo ng pansamantalang kaligayahan at ng mga bagay na humahantong sa walang hanggang kaligayahan? (Sa pagsagot ng mga estudyante, maaari mong bigyang-diin na ang tunay na kaligayahan ay hindi matatagpuan sa mga bagay na temporal tulad ng popularidad, mga kayamanan, at mga ari-arian.)

Ipaliwanag na ang 4 Nephi ay isang talaan ng ilang henerasyon ng mga inapo ni Lehi na nabuhay pagkatapos ng pagdalaw ni Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 4 Nephi 1:16 at alamin kung paano inilarawan ni Mormon ang mga taong nabuhay sa loob ng mga 100 taon pagkatapos ng pagdalaw ng Tagapagligtas. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang pariralang “tunay na wala nang mas maliligayang tao.” Sabihin sa mga estudyante na isulat ang Wala nang Mas Maliligayang Tao sa itaas ng puting papel na ibinigay mo. Pagkatapos ay magpadrowing sa kanila ng malaking bilog sa gitna ng kanilang papel.

bilog

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang 4 Nephi 1:1–2 at alamin kung ano ang ginawa ng mga tao kaya nadama nila ang kaligayahang ito. Sabihin sa kanila na isulat ang mga nalaman nila sa loob ng bilog. (Dapat kabilang sa mga sagot na ang mga tao ay nagsisi, nabinyagan, tumanggap ng Espiritu Santo, at ang “mga tao ay nagbalik-loob na lahat sa Panginoon.”

  • Ano ang ibig sabihin ng nagbalik-loob?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang pagbabalik-loob ay mas malalim pa sa pagkakaroon lamang ng patotoo o pagiging miyembro ng Simbahan, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol. Kung maaari, bigyan ang mga estudyante ng kopya ng pahayag na ito, at hikayatin sila na tukuyin ang mga salita at mga parirala na nagbibigay-kahulugan sa pagbabalik-loob.

“Ang kaligayahan ninyo sa ngayon at magpakailanman ay nakabatay sa antas ng inyong pagbabalik-loob at sa pagbabagong dulot nito sa inyong buhay. Paano kayo tunay na makapagbabalik-loob? Isinalaysay ni Pangulong [Marion G.] Romney ang mga hakbang na dapat ninyong sundin:

Elder Richard G. Scott

“‘Ang pagiging miyembro sa Simbahan at pagbabalik-loob ay hindi palaging iisa ang kahulugan. Ang pagbalik-loob at ang pagkakaroon ng patotoo ay hindi rin magkapareho. Nagkakaroon ng patotoo kapag sumasaksi ang Espiritu Santo sa taong masigasig na naghahanap ng katotohanan. Ang buhay na patotoo ang nagbibigay buhay sa pananampalataya. Ibig sabihin, hinihikayat nito ang pagsisisi at pagsunod sa mga kautusan. Ang pagbabalik-loob ang bunga o gantimpala para sa pagsisisi at pagsunod.’ [Sa Conference Report, Guatemala Area Conference 1977, 8–9.]

“Sa payak na paglalahad, ang tunay na pagbabalik-loob ay bunga ng pananampalataya, pagsisisi, at palagiang pagsunod. …

“Ang tunay na pagbabalik-loob ay nagbubunga ng kaligayahang tumatagal na matatamasa kahit naliligalig ang sanlibutan at kahit nalulungkot ang karamihan” (“Ang Ganap na Pagbabalik-loob ay Nagdudulot ng Kaligayahan,” Liahona, Hulyo 2002, 25–26).

  • Anong mga salita at mga parirala ang narinig ninyo na nagbibigay kahulugan sa pagbabalik-loob?

  • Ano sa palagay ninyo ang mangyayari kung lahat sa paligid ninyo ay nagbalik-loob sa Panginoon?

Isulat sa pisara ang sumusunod na scripture reference: 4 Nephi 1:2–3, 5, 7, 10–13, 15–18. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng mga talatang ito. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap ang mga salita at mga parirala na naglalarawan sa naranasan ng mga tao dahil lahat sila ay nagbalik-loob sa Panginoon. Sabihin sa mga estudyante na isulat ang mga salita at pariralang ito sa palibot ng bilog sa kanilang papel. (Maaaring kabilang sa mga sagot ang sumusunod: walang alitan o pagtatalu-talo, makatarungan ang pakikitungo nila sa isa’t isa, nagkaroon ng pagkakapantay-pantay sa lahat ng bagay sa kanila, maraming nagawang himala sa pangalan ni Jesucristo, pinaunlad ng Panginoon ang mga tao, muli nilang itinayo ang mga lunsod na nawasak, nag-asawa sila at bumuo ng mga pamilya, sila ay dumami at naging matatag, ang pagmamahal ng Diyos ay nasa kanilang puso, at sila ay masaya at nagkakaisa.)

Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang isang alituntunin tungkol sa kaligayahan na natutuhan nila mula sa unang bahagi ng 4 Nephi 1. Bagama’t makakatukoy ang mga estudyante ng ilang alituntunin, tiyakin na naipahayag nila na kapag ang mga tao ay nagtutulungan sa pagbabalik-loob sa Panginoon, sila ay nagkakaisa at nakadarama ng higit na kaligayahan. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.

  • Sa inyong palagay, anong mga biyaya ang darating sa ating klase kung namumuhay tayong lahat na katulad ng pamumuhay ng mga taong ito? Anong mga biyaya ang sa palagay ninyo ay darating sa inyong pamilya? Anong mga biyaya ang sa palagay ninyo ay darating sa inyong ward o branch?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na naging bahagi sila ng isang grupo na nagkakaisa sa kabutihan, tulad ng kanilang pamilya, korum o klase, o grupo ng mga kaibigan. Maaari ka ring magbahagi ng iyong karanasan.

  • Paano nakaimpluwensya ang pagsisikap ninyo na maging mabuti sa kaligayahan at kapakanan ng mga tao sa inyong paligid? (Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na ang pagbabalik-loob natin at mabubuting gawain ay nag-aambag hindi lamang sa ating sariling kaligayahan kundi maging sa kaligayahan at kapakanan ng iba. Kapag nagkakaisa sa kabutihan ang mga miyembro ng pamilya, korum, klase, o iba pang mga grupo, mas malaking kaligayahan ang madarama nila kaysa madarama nila sa sarili lamang nila.)

  • Paano maiimpluwensyahan ng mga kasalanan ng isang tao ang iba pa sa grupo na nagsisikap na maging mabuti?

Hikayatin ang mga estudyante na palakasin ang kanilang pagbabalik-loob sa Panginoon at tulungan ang mga tao sa paligid nila na ganito rin ang gawin. Para matulungan ang mga estudyante sa paggawa nito, sabihin sa kanila na basahing muli ang mga salita at parirala na isinulat nila sa kanilang papel. Hikayatin sila na pumili ng isa o dalawang parirala na naglalarawan ng paraan ng pamumuhay na nais nilang maranasan. Bigyan sila ng ilang minuto na sumulat sa notebook o scripture study journal tungkol sa kung paano nila pagsisikapan na ipamuhay ang mga paraang iyon. Patotohanan ang kaligayahang dumarating mula sa tunay na pagbabalik-loob at pagkakaisa sa kabutihan.

4 Nephi 1:19–49

Tumindi ang kasamaan ng mga Nephita hanggang sa kakaunting tao na lang ang nanatiling mabuti

  • Ano sa palagay ninyo ang magpapabagsak sa isang lipunan tulad sa lipunang inilarawan sa 4 Nephi 1:1–18?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 4 Nephi 1:20, 23–24 at alamin ang nagbanta sa pagkakaisa at kaligayahan ng mga tao. Maaari mong imungkahi sa kanila na markahan ang nalaman nila. Pagkatapos nilang maibahagi ang nalaman nila, isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan. (Ang pahayag na ito ay matatagpuan sa “Nagkakaisa ang Ating mga Puso,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 70.) Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang pahayag na ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng 4 Nephi 1:24.

“Kahambugan ang matinding kaaway ng pagkakaisa” (Pangulong Henry B. Eyring).

  • Sa paanong paraan nagiging kaaway ng pagkakaisa ang kahambugan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan. Sabihin sa klase na pakinggan ang isang paraan na mawawasak ng kahambugan o kapalaluan ang pagkakaisa.

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Sa kaibuturan nito, kapalaluan ang kasalanang paghahambing, dahil bagama’t karaniwan ay nagsisimula ito sa ‘Tingnan mo kung gaano ako kagaling at gaano kaganda ang nagawa ko,’ tila lagi itong nagtatapos sa ‘Kaya mas magaling ako sa iyo.’

“Kapag puno ng kapalaluan ang ating puso, nagkakasala tayo nang mabigat, dahil nilalabag natin ang dalawang dakilang utos [tingnan sa Mateo 22:36–40]. Sa halip na sambahin ang Diyos at mahalin ang ating kapwa, inilalantad natin ang tunay nating sinasamba at minamahal—ang larawang nakikita natin sa salamin” (Kapalaluan at ang Priesthood,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 56).

  • Batay sa pahayag ni Pangulong Uchtdorf, paano mawawasak ng kapalaluan ang pagkakaisa?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 4 Nephi 1:24–35, 38–45. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga epekto ng kapalaluan sa mga tao. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang nalaman nila. (Maaaring kabilang sa mga sagot ang sumusunod: pagsusuot ng mamahaling kasuotan, paghahati sa mga uri ng tao sa lipunan o may eksklusibong grupo ng mga kaibigan, pagtatayo ng mga simbahan upang makinabang, pagtatatwa sa tunay na simbahan, pang-uusig sa matatapat, pagtatatag ng mga lihim na pagsasabwatan, at kasamaan.)

Isa-isang tawagin ang mga estudyante para maibahagi ang isang bagay na nalaman nila. (Maaaring maulit ng mga estudyante ang mga sagot ng isa’t isa.) Kapag sumagot ang bawat estudyante, isulat ang kanyang sagot sa isa sa mga papel na iba ang kulay na itinabi mo bago magklase. Ibigay sa estudyante ang papel na iba ang kulay bilang kapalit ng kanyang puting papel na naglalarawan sa kaligayahan at pagkakaisa ng mga tao. Ulitin ang paraang ito hanggang sa maipagpalit ng lahat ng estudyante sa klase ang kanilang puting papel sa papel na iba ang kulay.

Sabihin sa mga estudyante na tumingin sa paligid at makikita na ang lahat sa klase ay may papel na iba ang kulay, na sumasagisag sa kapalaluan. Sabihin sa kanila na isiping mabuti kung ano ang nadama ng tatlong disipulo ni Cristo nang makita nila ang paglaganap ng kapalaluan at kasamaan sa mga tao na minsan ay naging napakasaya at nagkakaisa.

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin sa mga talatang ito? (Iba-iba man ang gamiting salita ng mga estudyante, dapat natukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Ang kapalaluan ay nagdudulot ng pagkakahati-hati at humahantong sa kasamaan. Maaari mong isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

  • Paano nakaapekto ang kapalaluan ng ilang tao sa kaligayahan ng buong grupo?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano maaaring makaimpluwensya sa iba ang kapalaluan ng isang tao sa mga sumusunod na halimbawa:

  1. Sa kabila ng panghihikayat ng kanyang pamilya, isang nakatatandang kapatid ang nagpasiyang sundin ang gusto niya sa halip na magmisyon.

  2. Isang miyembro sa klase ng Young Women o Aaronic Priesthood quorum ang sadyang nag-iingay, ayaw makilahok sa klase, at hindi sumusunod sa mga iniuutos.

  3. Isang kabataang lalaki o babae ang walang tigil na nang-iinis o nanghahamak ng iba pang miyembro ng kanyang grupo ng mga kaibigan.

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na nakita nila na nawasak ng kapalaluan ang kaligayahan at pagkakaisa.

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang kanilang mga tungkulin sa iba’t ibang grupo na kinabibilangan nila, tulad ng kanilang pamilya, korum o klase, ward o branch, at klase sa seminary. (Maaari mo ring banggitin ang iba pang mga grupo na kinabibilangan ng iyong mga estudyante.) Sabihin sa kanila na isiping mabuti kung may nagawa o may ginagawa silang anumang bagay na nagpapakita ng kapalaluan sa pakikipag-ugnayan nila sa mga tao sa mga grupong ito. Hikayatin silang magsisi at mag-isip ng mga paraan upang mapaglabanan nila ang kapalaluan at magsimula ng pagkakaisa at kabutihan sa mga grupong ito. Hikayatin din sila na pag-isipang mabuti ang isinulat nila kung paano sila mamumuhay nang higit na tulad sa mga inapo ni Lehi na nagbalik-loob sa Panginoon.

Magpatotoo na kapag sinikap nating mas magbalik-loob kay Jesucristo at mamuhay kasama ang ibang tao nang may pagkakaisa, makadarama tayo ng kaligayahan tulad ng inilarawan sa 4 Nephi 1:1–18.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

4 Nephi 1:1–2. “Ang mga tao ay nagbalik-loob na lahat sa Panginoon”

Ipinaliwanag ni Pangulong Marion G. Romney ng Unang Panguluhan ang proseso ng pagbabalik-loob:

“Ang pagbabalik-loob ay nagagawa sa pamamagitan ng pagpapatawad ng Diyos sa mga kasalanan. Parang ganito ang nangyari. Isang tao na tunay na nagsasaliksik ng katotohanan ang nakarinig ng mensahe. Nanalangin siya at itinanong sa Panginoon kung ito ay totoo. Nagpatotoo sa kanya ang Espiritu Santo. Ito ay isang patotoo. Kung sapat ang lakas ng patotoo ng isang tao, siya ay magsisisi at susunod sa mga kautusan. Sa pagsunod na iyon tatanggap siya ng kapatawaran mula sa Diyos para sa mga kasalanan. Sa gayon siya ay nagbalik-loob tungo sa panibagong buhay. Ang kanyang espiritu ay napagaling” (sa Conference Report, Okt. 1963, 24).

4 Nephi 1:1–18. Kailangan ang pagkakaisa

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:

“Ang mga propeta ng Panginoon ay lagi nang nananawagan na magkaisa tayo. Ang pangangailangang ibigay sa atin ang kaloob na iyon at ang hamon na panatilihin ito ay mag-iibayo pa sa darating na mga araw, kung kailan magiging handa tayo bilang isang grupo para sa ating maluwalhating tadhana. …

“… Nalaman natin mula sa karanasan na masaya tayo kapag tayo’y nagkakaisa. Nasasabik tayo bilang mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit sa kagalakang iyon na minsa’y nadama natin sa piling Niya bago tayo isinilang. Hangad Niyang ipagkaloob ang sagradong pangarap nating iyon na magkaisa dahil mahal Niya tayo.

“Hindi Niya ito maipagkakaloob sa atin nang hiwa-hiwalay tayo. Ang galak sa pagkakaisa na gustung-gusto Niyang ibigay sa atin ay hindi sa pag-iisa. Hangarin natin ito at maging marapat para dito na kasama ang iba. Hindi nakakagulat kung gayon na hinihimok tayo ng Diyos na magtipon upang mapagpala Niya tayo. Nais Niya tayong magtipon sa mga pamilya. Nagtatag Siya ng mga klase, ward, at branch at inutusan tayong magkita-kita nang madalas. Nasa mga pagtitipong iyon, na nilayon ng Diyos para sa atin, ang ating malaking oportunidad. Magagawa nating ipagdasal at pagsikapan ang pagkakaisang magpapasaya at magpapaibayo sa kapangyarihan nating maglingkod” (“Nagkakaisa ang Ating mga Puso,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 68, 69).