Library
Lesson 3: Ang Plano ng Kaligtasan


Lesson 3

Ang Plano ng Kaligtasan

Pambungad

Itinagubilin ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga titser ng seminary na magbigay ng maikling buod ng plano ng kaligtasan bago simulan ang kursong pag-aaralan sa bawat taon:

“Ang maikling buod ng ‘plano ng kaligtasan’ … kung ibibigay sa simula pa lang at babanggitin paminsan-minsan ay magiging napakalaking tulong sa mga estudyante ninyo. …

“Nagtataka ang mga kabataan kung ‘bakit?’—Bakit tayo inutusang gawin ang ilang mga bagay, at bakit tayo inutusang hindi gawin ang ibang bagay? Ang kaalaman sa plano ng kaligayahan, kahit nakabalangkas lamang, ay nagbibigay ng sagot sa mga tanong na ‘bakit’ ng mga kabataan. …

“… Bigyan [ang mga estudyante] ng ideya ng buong plano, kahit kaunting detalye lamang. … Ipaalam sa kanila kung tungkol saan ito, pagkatapos ay malalaman na nila ang sagot sa tanong na ‘bakit.’ …

“… Kung gusto mo silang bigyang ng sagot sa tanong na ‘bakit,’ sabihin [ito]: ‘Ang Diyos ay nagbigay sa kanila ng mga kautusan, matapos maipaalam sa kanila ang plano ng pagtubos.’ [Alma 12:32; idinagdag ang italics.]” (“The Great Plan of Happiness” [CES Symposium on the Doctrine and Covenants/Church History, Ago. 10, 1993], 2–3, si.lds.org).

Bilang tugon sa payo ni Pangulong Packer, ang lesson na ito ay nagbibigay ng buod ng plano ng kaligtasan ayon sa pagkakaturo nito sa mga banal na kasulatan. Nakapokus ang lesson na ito sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na siyang “pangunahing katotohanan, ang napakahalagang saligan, at ang pinakamahalagang doktrina ng dakila at walang hanggang plano ng kaligtasan” (Jeffrey R. Holland, “Missionary Work and the Atonement,” Ensign, Mar. 2001, 8). Kapag nauunawaan ng mga estudyante ang plano ng kaligtasan, lalakas ang kanilang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Mas titibay ang kanilang determinasyon na sundin ang mga kautusan, tanggapin ang mga ordenansa ng kaligtasan, at maging tapat sa kanilang mga tipan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang plano ng kaligtasan sa Aklat ni Mormon

Ipaliwanag na sa mundo ng mga espiritu sa buhay bago ang buhay na ito, natutuhan natin ang plano ng kaligtasan ng ating Ama sa Langit (tingnan sa Moises 4:1–2; Abraham 3:22–28). Sa pamamagitan ng planong ito, maaari tayong maging katulad Niya at manahan sa Kanyang piling magpakailanman.

Sa pisara, isulat ang Kabilang sa plano ng kaligtasan ang …

Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang pangungusap na ito sa kanilang scripture study journal o class notebook.

Pagkatapos magsulat ng mga estudyante, ibahagi ang sumusunod na kahulugan ng plano ng kaligtasan. Maaari mo itong isulat sa pisara o sa isang poster bago magklase.

Ang plano ng kaligtasan ay “ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo, na binalangkas upang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao. Lakip nito ang Paglikha, Pagkahulog, at Pagbabayad-sala, kasama ang lahat ng batas, ordenansa, at doktrina na ibinigay ng Diyos. Pinapangyari ng plano na ito na ang lahat ng tao ay madakila at mabuhay na walang hanggan na kasama ng Diyos” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Plano ng Pagtubos,” scriptures.lds.org).

Sabihin sa mga estudyante na itaas ang kanilang kamay kung ang mga salitang isinulat nila ay kahalintulad ng kahulugang ito. Pagkatapos ay itanong sa ilan sa mga estudyanteng nagtaas ng kamay ang sumusunod:

  • Ano ang pagkakatulad ng inyong isinulat sa kahulugang ito? Bakit mo isinama ang bagay na ito sa iyong kahulugan?

Pagpartnerin ang mga estudyante. Sabihin sa isang estudyante sa bawat magpartner na basahin ang Alma 22:12–14 at sa isa namang estudyante na basahin ang 2 Nephi 2:25–28. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga scripture reference na ito.) Ipahanap sa mga estudyante ang mga bahagi ng plano ng kaligtasan na binanggit sa naka-assign na scripture reference sa kanila. Pagkatapos magbasa ng mga estudyante, sabihin sa mga magkapartner na ibahagi sa isa’t isa ang nalaman nila.

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference: 2 Nephi 9:6; 2 Nephi 11:5; Alma 12:25; Alma 24:14; Alma 42:8; Alma 42:15. (Maaari mong isulat ang mga ito sa pisara bago magklase.)

Ipaliwanag na sa Aklat ni Mormon, gumamit ang mga propeta ng iba’t ibang pangalan para tukuyin ang plano ng Ama sa Langit. Ipabuklat sa mga estudyante ang 2 Nephi 9:6, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante.

  • Sa talatang ito, anong parirala ang tumutukoy sa plano ng Diyos? (“Ang maawaing plano ng dakilang Lumikha.” Isulat ito sa pisara malapit sa 2 Nephi 9:6.)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang iba pang mga scripture passage na nakalista sa pisara, at ipahanap ang mga parirala na tumutukoy sa plano ng Ama sa Langit. Kapag nahanap ng isang estudyante ang isang parirala na tumutukoy sa plano ng Ama sa Langit, sabihin sa estudyante na isulat ito sa pisara sa tabi ng scripture reference kung saan ito natagpuan. Ang nakumpletong listahan sa pisara ay dapat ganito:

(Para tulungan ang mga estudyante na lalo pang mapahalagahan ang mga turo sa Aklat ni Mormon, maaari mong ipaliwanag na ilang beses na binanggit sa Aklat ni Mormon ang mga pariralang “plano ng kaligtasan,” “plano ng kaligayahan,” at “plano ng pagtubos,” ngunit hindi sa Biblia.)

  • Ano ang binibigyang-diin ng mga pangalang ito tungkol sa plano ng Ama sa Langit? (Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na ang layunin ng plano ng Ama sa Langit ay isakatuparan ang walang hanggang kaligtasan at kaligayahan ng Kanyang mga anak.)

Magpatotoo na hindi tayo makababalik sa piling ng Diyos at makatatanggap ng walang hanggang kaligtasan kung walang tulong mula sa Kanya. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mosias 3:17, at alamin kung sino ang pinakamahalagang katauhan sa plano ng kaligtasan. Pagkatapos nilang ibahagi ang nalaman nila, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 2:8. Bigyang-diin na si Jesucristo ang pinakamahalagang katauhan sa plano ng kaligtasan, at dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala naisakatuparan ang plano sa lahat ng anak ng Diyos. Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith:

Propetang Joseph Smith

“Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 58).

Maaari mong ipaliwanag na tumutukoy ang salitang kalakip sa isang bagay o konsepto na nakakabit sa isang bagay na mas mahalaga, tulad ng isang sanga na bahagi ng isang puno. Maaaring mabuhay ang isang puno kahit mawalan ng isang sanga, ngunit hindi mabubuhay ang isang sanga kung nakahiwalay ito sa mga ugat at sa katawan ng puno. Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay “pinakaugat ng doktrinang Kristiyano. Maaaring marami kayong nalalaman sa ebanghelyo na nagsanga lamang mula roon, ngunit kung ang nalalaman lamang ninyo ay tungkol sa mga sanga at ang mga sangang iyon ay hindi nakakabit sa ugat, kung naputol ang mga ito mula sa katotohanang iyon, walang buhay o pagtubos mula sa mga ito” (“The Mediator,” Ensign, Mayo 1977, 56).

Ipaliwanag na kadalasang tinatawag na plano ng kaligtasan ang plano ng Ama sa Langit dahil may kinalaman ito sa pagliligtas sa atin. Dahil Siya ang nagdala ng kaligtasan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, si Jesucristo ay tinatawag na Tagapagligtas.

Sa pisara, isulat ang Kailangan nating maligtas mula sa …

Sabihin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang 2 Nephi 9:6–10, at pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang 3 Nephi 9:21–22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano makukumpleto ang pangungusap sa pisara. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang kanilang nalaman sa kanilang banal na kasulatan.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang nalaman, at isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Tiyakin na nauunawaan nila na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maliligtas ang lahat ng tao mula sa pisikal na kamatayan. Linawin din na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, maaari tayong maligtas mula sa ating mga kasalanan, na humahadlang sa atin na manahan sa piling ng Diyos.

Basahin ang mga sumusunod na salita ni propetang Jacob: “O kaydakila ng kabutihan ng ating Diyos” (2 Nephi 9:10). “O kaydakila ng plano ng ating Diyos!” (2 Nephi 9:13).

  • Paano nakatutulong sa inyo ang mga salita ni Jacob sa 2 Nephi 9:6–10 para maunawaan kung bakit niya nasabi ito?

  • Ayon sa 2 Nephi 9:7, 9, ano ang mangyayari kung walang Pagbabayad-sala? (Mamamatay ang ating mga katawan at hindi na babangong muli, at magiging sakop ng diyablo ang ating mga espiritu.)

Balikan ang huling pangungusap sa kahulugan ng plano ng kaligtasan na ibinahagi mo sa simula ng lesson: “Pinapangyari ng plano na ito na ang lahat ng tao ay madakila at mabuhay na walang hanggan na kasama ng Diyos.”

  • Bakit mahalagang maunawaan na ginagawang posible ngunit hindi ginagawang tiyak ng plano ang ating kadakilaan? (Sa pagsagot ng mga estudyante sa mga tanong na ito, tiyakin na nauunawaan nila na mayroon tayong kalayaang pumili, ang kakayahang mamili at kumilos para sa ating mga sarili. Bahagyang nakasalalay ang ating kadakilaan sa kung paano tayo tutugon sa mga pagpapalang ibinibigay sa atin ng Diyos.)

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference: 2 Nephi 2:25–28; 2 Nephi 31:17–20; Alma 34:15–16. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan nang tahimik ang mga scripture passage na ito at ilista sa kanilang scripture study journal ang mga bagay na sinasabi ng mga banal na kasulatang ito na dapat nating gawin para matanggap ang lahat ng ibinibigay sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang plano ng kaligtasan.

Pagkatapos magkaroon ng sapat na oras ang mga estudyante na makumpleto ang aktibidad na ito, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa isa’t isa. Sa paggawa nila nito, tukuyin ang mga halimbawa ng pagsunod sa mga “batas, ordenansa, at doktrina na ibinigay ng Diyos” na binanggit sa kahulugan na ibinahagi mo sa simula ng lesson. (Kabilang sa mga halimbawa mula sa mga talatang ito ang pananampalataya tungo sa pagsisisi, pagpapabinyag, at pagtanggap ng Espiritu Santo.) Pagkatapos magbahagi ng mga estudyante, maaari mong itanong ang mga sumusunod:

  • Paano nakakaapekto ang ating mga ginagawa sa ating kakayahang tumanggap ng mga pagpapala ng Pagbabayad-sala? (Habang sumasagot ang mga estudyante, humanap ng pagkakataon na magpatotoo na kapag pinipili nating ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo at sundin ang plano ng Diyos, nakakapaghanda tayong tanggapin ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.)

  • Paano makatutulong ang pag-unawa natin sa plano ng kaligtasan sa pagsunod natin sa mga kautusan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 2:25.

  • Sa paanong paraan nakapagbigay ng kaligayahan sa inyo ang plano ng kaligtasan?

Para tapusin ang lesson, ipaliwanag na sa pag-aaral ng mga estudyante ng Aklat ni Mormon, marami pa silang matututuhan na mga doktrina na kaugnay ng plano ng kaligtasan; ang lesson na ito ay naglalahad lamang ng maikling buod. Hikayatin ang mga estudyante na alamin sa kanilang pag-aaral ang lahat ng ginawa ng Diyos para sa kanila bilang bahagi ng Kanyang plano ng kaligtasan at ang lahat ng kailangan nilang gawin para matanggap ang lahat ng mga pagpapalang inilaan ng Diyos para sa kanila. Magpatotoo tungkol sa mga katotohanan na tinalakay sa lesson na ito.