Lesson 144
Eter 2
Pambungad
Pagkatapos umalis mula sa Tore ng Babel, si Jared at ang kanyang kapatid at kanilang mga pamilya at kaibigan ay ginabayan ng Panginoon patungo sa ilang. Iniutos ng Panginoon sa kapatid ni Jared na gumawa ng walong gabara upang maitawid ang kanyang mga tao sa karagatan patungo sa lupang pangako. Sa pagsunod ng kapatid ni Jared at ng kanyang mga tao sa Panginoon nang may pananampalataya, sila ay ginabayan at pinatnubayan ng Panginoon para maging matagumpay sa kanilang paglalakbay.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Eter 2:1–12
Sinimulan ng mga Jaredita ang kanilang paglalakbay patungo sa lupang pangako
Upang matulungan ang mga estudyante na makita kung paanong ang pagsunod sa mga utos na tinatanggap natin mula sa Diyos ay maghahanda sa atin na makatanggap pa ng gabay at patnubay mula sa Kanya, gawin ang sumusunod na aktibidad:
Bago magklase, itago ang isang bagay na sumasagisag sa isang kayamanan sa silid kung saan kayo nagkaklase. Maghanda ng tatlo o apat na clue na gagabay sa mga estudyante sa paghanap sa kayamanan. Ibibigay mo ang unang clue sa mga estudyante. Ang clue na iyan ay hahantong sa isa pang clue, na hahantong din sa isa pang clue, at tuluy-tuloy hanggang mahanap ng mga estudyante ang kayamanan. Matapos mahanap ng mga estudyante ang kayamanan, itanong:
-
Ano kaya ang mangyayari kung hindi ninyo pinansin ang unang clue? (Hindi nila mahahanap ang pangalawang clue.)
Sabihin sa mga estudyante na basahing muli nang tahimik ang Eter 1:41–42 at alamin ang unang mga iniutos ng Panginoon para magabayan ang mga Jaredita patungo sa lupang pangako.
Para matulungan ang mga estudyante na makita kung paano tumugon ang mga Jaredita sa mga utos na ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Eter 2:1–3.
-
Paano tumugon ang mga Jaredita sa mga unang iniutos ng Panginoon?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Eter 2:4–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga pagpapalang natanggap ng mga Jaredita matapos nilang sundin ang mga unang iniutos sa kanila.
-
Ano ang nangyari matapos sundin ng mga Jaredita ang mga unang iniutos ng Panginoon? (Binigyan sila ng Panginoon ng karagdagang tagubilin sa pamamagitan ng kapatid ni Jared.)
-
Ano ang matututuhan natin sa talang ito tungkol sa pagtanggap ng paggabay mula sa Panginoon? (Iba-ba man ang gamiting salita ng mga estudyante, dapat makita sa kanilang mga sagot ang sumusunod na alituntunin: Kapag kumilos tayo nang may pananampalataya sa patnubay na ibinigay sa atin ng Panginoon, makatatanggap tayo ng karagdagang gabay mula sa Kanya. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Eter 2:6.)
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan at maipamuhay ang alituntuning ito, sabihin sa kanila na mag-isip ng isang impresyon o pahiwatig na natanggap nila kamakailan mula sa Panginoon. Pagkatapos ay basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa kung gaano tayo kadalas tumatanggap ng paghahayag:
“Unti-unti itong darating, [nang pira-piraso], upang maragdagan ang inyong kakayahan. Habang sinusunod ninyo ang bawat piraso nang may pananampalataya, maaakay kayo sa iba pang mga bahagi hanggang mapasainyo ang buong kasagutan. Kailangan ninyo ritong sumampalataya sa kakayahan ng ating Ama na tumugon. Bagamat napakahirap nito kung minsan, nagbubunga ito ng malaking pag-unlad ng sarili” (“Paggamit sa Kaloob ng Langit na Panalangin,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 9).
Sabihin sa mga estudyante na sagutin ang mga sumusunod na tanong sa notebook o scripture study journal. Maaari mong isulat ang mga ito sa pisara o basahin nang dahan-dahan ang mga ito para maisulat ng mga estudyante.
-
Kailan ninyo sinunod ang isang espirituwal na pahiwatig at pagkatapos ay nakatanggap ng karagdagang patnubay mula sa Diyos?
-
Sa inyong palagay, bakit kailangan natin kung minsan na sumunod sa espirituwal na pahiwatig bago tayo makatanggap ng karagdagang paghahayag?
Ibuod ang Eter 2:8–12 na ipinapaliwanag na sinabi ng Panginoon sa kapatid ni Jared na kapag dumating na ang mga Jaredita sa lupang pangako, kailangan nilang “magsilbi sa kanya, ang tunay at tanging Diyos” (Eter 2:8) kung nais nilang maging isang dakilang bansa na ipinangako Niya na kahihinatnan nila. Kung hindi nila Siya paglilingkuran, sila ay “lilipulin” sa lupain (Eter 2:8–10). Sinabi ni Moroni na ito ay “walang hanggang utos” (Eter 2:10), ibig sabihin ay iniuutos ito sa lahat ng maninirahan sa lupaing iyan.
Eter 2:13–15
Pinagsabihan ng Panginoon ang kapatid ni Jared dahil hindi ito nanalangin sa Kanya
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Eter 2:13–15 at alamin ang ginawa ng mga Jaredita nang marating nila ang tabing-dagat.
-
Ano ang ginawa ng mga Jaredita? (Itinayo nila ang kanilang mga tolda at nanirahan sa tabing dagat nang apat na taon.)
-
Bakit pinagsabihan ng Panginoon ang kapatid ni Jared?
-
Anong mga aral ang matututuhan natin mula sa Eter 2:14? (Maaaring makatukoy ng iba-ibang katotohanan ang mga estudyante, kabilang ang sumusunod: Gusto ng Panginoon na manalangin tayo sa Kanya nang regular; hindi nalulugod ang Panginoon kapag hindi tayo nananalangin sa Kanya; at ang Espiritu ay hindi mapapasaatin kung nakagawa tayo ng kasalanan.)
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang personal nilang panalangin habang binabasa mo ang sumusunod na pahayag ni Elder Donald L. Staheli ng Pitumpu:
“Mahalaga sa ating buhay ang taimtim na pananalangin araw-araw na humihingi ng kapatawaran at espesyal na tulong at patnubay sa ating buhay at sa pangangalaga ng ating patotoo. Kapag nagmamadali tayo, paulit-ulit, di naghahanda, o nakalilimot sa ating mga panalangin, nawawala sa atin ang paglapit ng Espiritu, na napakahalaga sa patuloy na patnubay na kailangan natin upang tagumpay na mapangasiwaan ang mga hamon sa ating araw-araw na pamumuhay” (“Pagkakaroon ng Ating Patotoo,” Ensign o Liahona, Nob. 2004, 39).
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong bago magklase. (O maaari mong gawin itong handout o basahin nang dahan-dahan ang mga ito para maisulat ng mga estudyante.) Bigyan ang mga estudyante ng dalawa o tatlong minuto para maisulat sa notebook o scripture study journal ang maikling sagot sa mga tanong na ito.
Eter 2:16–25 (tingnan din sa Eter 3:1–6; 6:4–9)
Gumawa ang mga Jaredita ng mga gabara para tawirin ang karagatan patungo sa lupang pangako
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagsubok na nararanasan nila o isang mahalagang desisyon na kailangan nilang gawin, ngayon o sa hinaharap. Halimbawa, maaari nilang isipin ang tungkol sa mahirap na kalagayan ng pamilya, mga problema sa paaralan, pagpapasya kung sino ang pakakasalan, o pagpili ng kursong pag-aaralan. Sabihin sa kanila na isiping mabuti kung paano sila mapapatnubayan o matutulungan ng Panginoon. Sa pag-aaral nila ng natitirang bahagi ng Eter 2, hikayatin sila na alamin ang mga alituntunin na makatutulong sa kanila na matanggap ang tulong ng Panginoon sa paggawa ng mabubuting desisyon.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Eter 2:16–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinagawa ng Panginoon sa mga Jaredita upang makarating sa lupang pangako. Kapag natapos nang magbasa ang estudyante, magtanong kung sino ang gustong pumunta sa pisara at mabilis na idrowing kung ano sa palagay niya ang hitsura ng mga gabara ng mga Jaredita.
Isulat sa pisara ang sumusunod na chart nang hindi isinasama ang mga sagot sa tatlong hanay [row] sa ibaba. Ibigay ang chart bilang handout o sabihin sa mga estudyante na kopyahin ito sa notebook o scripture study journal.
Problema sa mga gabara |
Solusyon |
Ang ginawa ng Panginoon |
Ang ginawa ng kapatid ni Jared |
---|---|---|---|
Walang hangin |
Gumawa ng mga butas na mabubuksan at masasara sa ibabaw at ilalim ng mga gabara |
Binigyan ng mga tagubilin ang kapatid ni Jared |
Gumawa ng mga butas |
Walang timon |
Hihipan ng hangin ang mga gabara patungo sa lupang pangako |
Pinalakas ang ihip ng hangin |
Nagtiwala sa Panginoon |
Walang liwanag |
Naghanda ng mga espesyal na bato at hiniling sa Panginoon na hipuin ang mga ito para kuminang ang mga ito |
Pinayuhan ang kapatid ni Jared tungkol sa mga bagay na hindi magiging epektibo at pinayuhan siya na maghanap ng solusyon na magiging epektibo Hinipo ang mga bato matapos maihanda ang mga ito ng kapatid ni Jared |
Inihanda ang mga bato at hiniling sa Panginoon na hipuin ang mga ito para kuminang ang mga ito sa kadiliman |
Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang Eter 2:18–19 para mahanap ang tatlong problema na napansin ng kapatid ni Jared sa mga gabara.
-
Ano ang mga problemang napansin ng kapatid ni Jared? (Isulat ang mga sagot ng mga estudyante sa unang column ng chart, tulad ng makikita. Hikayatin sila na gayon din ang gawin sa mga kopya nila ng chart.)
Matapos matukoy ng mga estudyante ang mga problema, sabihin sa kanila na pag-aralan ang Eter 2:20–25; 3:1–6; 6:4–9. (Paalala: Ang mga scripture passage sa Eter 3 at 6 ay tatalakayin nang mas detalyado sa lesson 145 at 147.) Bigyan sila ng oras na makumpleto nang mag-isa ang natitirang bahagi ng chart.
Matapos ang sapat na oras na makumpleto ng mga estudyante ang chart, itanong ang mga sumusunod upang matulungan sila na matukoy ang mga alituntunin mula sa karanasan ng kapatid ni Jared:
-
Batay sa solusyon sa problema tungkol sa hangin, paano tayo kung minsan tinutulungan ng Panginoon na malutas ang ating mga problema o sinasagot ang ating mga tanong? (Kung minsan sinasabi sa atin ng Panginoon kung paano lutasin ang isang problema at inaasahan Niya na susundin natin ang Kanyang mga tagubilin.)
-
Batay sa solusyon sa problema tungkol sa timon, paano tayo kung minsan tinutulungan ng Panginoon na malutas ang ating mga problema o sinasagot ang ating mga tanong? (Kung minsan ang Panginoon mismo ang lumulutas ng problema.)
-
Batay sa solusyon sa problema tungkol sa liwanag, paano tayo kung minsan tinutulungan ng Panginoon na malutas ang ating mga problema o sinasagot ang ating mga tanong? (Kung minsan iniuutos sa atin ng Panginoon na mag-isip ng solusyon sa problema at hingin ang Kanyang pagsang-ayon at tulong sa pagsasakatuparan nito.)
Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kapag nananalangin tayo sa Panginoon at ginagawa ang ating bahagi sa paglutas ng ating mga problema, matatanggap natin ang tulong ng Panginoon. Para matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang alituntuning ito, sabihin sa kanila na isaalang-alang ang mahalagang desisyong naisip nila nitong nakalipas na ilang minuto. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na pag-isipang mabuti ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano sa palagay ninyo ang inaasahan ng Panginoon na gawin ninyo sa paggawa ng desisyong ito?
-
Ano ang maaaring gawin ng Panginoon upang matulungan kayo?
-
Paano ninyo maipapakita ang inyong pagtitiwala sa Panginoon kapag naiisip ninyo ang desisyong ito?
Bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante na maisulat ang natutuhan nila ngayon. Magpatotoo na kapag nanalangin tayo nang taos-puso sa Panginoon at gagawin ang ating bahagi para malutas ang ating mga problema, gagabayan at tutulungan Niya tayo ayon sa Kanyang karunungan at kapangyarihan.