Library
Home-Study Lesson: Moroni 7:20–10:34 (Unit 32)


Home-Study Lesson

Moroni 7:2010:34 (Unit 32)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga doktrina at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Moroni 7:2010:34 (unit 32) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Moroni 7:20–48)

Nang patuloy na pag-aralan ng mga estudyante ang sermon ni Mormon sa mga tao sa sinagoga, natutuhan nila ang mahahalagang alituntunin tungkol sa pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao: Kapag nanampalataya tayo kay Jesucristo, makakapanangan tayo sa bawat mabuting bagay. Kung mananampalataya tayo kay Jesucristo, magkakaroon tayo ng pag-asa sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala na ibabangon tayo tungo sa buhay na walang hanggan. Kung mananalangin tayo sa Ama nang buong lakas ng puso at mamumuhay bilang mga tunay na tagasunod ni Jesucristo, mapupuspos tayo ng pag-ibig sa kapwa-tao.

Day 2 (Moroni 8–9)

Sa pag-aaral ng liham ni Mormon kay Moroni na nakatala sa Moroni 8, nalaman ng mga estudyante na ang pagsisisi at binyag ay kinakailangan ng lahat ng mga may pananagutan at may kakayahang gumawa ng kasalanan. Napag-aralan din nila ang doktrina na ang maliliit na bata ay maliligtas sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sa pag-aaral ng liham na nakatala sa Moroni 9, nalaman ng mga estudyante na dapat tayong masigasig na maglingkod sa Diyos kahit hindi maganda ang tugon sa atin ng mga pinaglilingkuran natin. Bukod pa rito, natutuhan ng mga estudyante mula sa mga halimbawa nina Mormon at Moroni na kung tapat tayo kay Jesucristo, palalakasin Niya tayo kahit napaliligiran tayo ng paghihirap at kasamaan.

Day 3 (Moroni 10:1–7, 27–29)

Nang pag-aralan ng mga estudyante ang pangwakas na patotoo ni Moroni, napaalalahanan sila na kung magtatanong tayo sa Diyos nang may pananampalataya at tunay na layunin, magkakaroon tayo ng patotoo sa Aklat ni Mormon at kay Jesucristo sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Nalaman din nila na mananagot ang mga tao sa Diyos sa paraan ng pagtanggap at pagtugon nila sa Aklat ni Mormon.

Day 4 (Moroni 10:8–26, 30–34)

Nalaman ng mga estudyante na ang Diyos ay nagbibigay ng mga kaloob ng Espiritu para sa kapakinabangan ng Kanyang mga anak. Nalaman din nila na kung may pananampalataya tayo, magagawa natin ang nais ipagawa sa atin ng Tagapagligtas. Napag-aralan din nila ang huling mga salita ni Moroni sa Aklat ni Mormon, na nagtuturo na kapag lumapit tayo kay Jesucristo, tayo ay madadalisay at magiging ganap o perpekto sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.

Pambungad

Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan ang ibig sabihin ng manangan sa mabubuting bagay. Ang mga estudyante ay bibigyan ng pagkakataon na maipaliwanag kung paano malalaman ng isang tao para sa kanyang sarili kung totoo ang Aklat ni Mormon. Makapagbabahagi rin sila ng kanilang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon at matatalakay kung paano napalakas ang kanilang patotoo sa taon na ito. Ang Moroni 7–9 ay naglalaman ng mga liham, o mga sulat, mula kay Mormon na isinama ni Moroni sa kanyang aklat.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Moroni 7:20–48

Itinala ni Moroni ang mga itinuro ni Mormon tungkol sa pananampalataya kay Jesucristo, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao

Isulat sa pisara ang mga salitang hipuin at manangan. Anyayahan ang isang estudyante na magpunta sa harapan ng klase at sabihin sa kanya na ipakita kung ano ang ibig sabihin ng hipuin ang Aklat ni Mormon. Pagkatapos ay sabihin sa estudyante na ipakita kung ano ang ibig sabihin ng manangan sa Aklat ni Mormon.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Moroni 7:19 at alamin ang sinabi ni Mormon na dapat nating tanganan. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang sinabi ni Mormon na dapat nating tanganan?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “mananangan sa bawat mabuting bagay”? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na maaaring kabilang sa “bawat mabuting bagay” ang mabubuting mithiin, gawa, kaisipan, alituntunin, at mga bagay.)

Ipaliwanag na patuloy na itinuro ni Mormon kung paano tayo “mananangan sa bawat mabuting bagay.” Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Moroni 7:20–22, 25. Sabihin sa klase na alamin ang ipinayo ni Mormon kung ano ang dapat nating gawin upang “[manangan] sa bawat mabuting bagay.”

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Kapag … , makakapanangan tayo sa bawat mabuting bagay.

Itanong: Pagkatapos mabasa ang mga talatang ito, paano ninyo kukumpletuhin ang pahayag na ito? (Ang isang sagot na maaaring maibigay ng mga estudyante ay kapag nanampalataya tayo kay Jesucristo, makakapanangan tayo sa bawat mabuting bagay.)

Ipaalala sa mga estudyante na sa kabanatang ito nagpatotoo si Mormon na sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, tayo ay mapupuspos ng kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao (tingnan sa Moroni 7:48). Sabihin sa klase na subukang bigkasin ang scripture mastery passage na Moroni 7:45, 47–48 nang walang kopya. Maaari ding basahin nang malakas ng mga estudyante ang mga talatang ito.

Itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang paborito ninyong parirala sa Moroni 7:45, 47–48? Bakit makabuluhan sa inyo ang pariralang iyon?

  • Kailan ninyo nakita na nagpakita ng pagmamahal ang isang tao, o kailan ninyo nadama na tinulungan kayo ng Panginoon na mahalin ang inyong kapwa? (Maaari mong ibahagi ang sarili mong sagot sa mga tanong na ito.)

Moroni 10

Pinayuhan tayo ni Moroni na magkaroon ng patotoo sa Aklat ni Mormon at lumapit kay Jesucristo

Ituro muli sa mga estudyante kung bakit may saligang bato sa isang arko. Talakayin kung paano nauugnay ang saligang bato sa Aklat ni Mormon. (Maaari mong patingnan sa mga estudyante ang larawan sa unit 1, day 3 sa kanilang study guide.) Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano naging saligang bato ng kanilang patotoo ang Aklat ni Mormon.

Ipabasa sa isang estudyante ang Moroni 10:3–5. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung bakit mahalagang ibahagi ang mga talatang ito sa lahat ng tao, mga miyembro man sila ng Simbahan o hindi. Tawagin ang ilang estudyante para magbahagi ng ideya nila at itanong: Ano ang sinabi ni Moroni na kailangan nating gawin para malaman ang katotohanan? (Sa pagsagot ng mga estudyante, maaari mong isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Bigyang-diin na ang mga sagot na ito ay mga paraan na magagawa natin nang may pananampalataya para malaman “ang katotohanan ng lahat ng bagay.”)

Ipabasa sa isang estudyante ang Moroni 10:6–7, at pagkatapos ay itanong: Bukod pa sa katotohanan ng Aklat ni Mormon, ano pa ang maaari nating malaman sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo? (Patototohanan ng Espiritu Santo na si Jesus ang Cristo.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung magtatanong tayo sa Diyos nang may pananampalataya at tunay na layunin, magkakaroon tayo ng patotoo sa Aklat ni Mormon at kay Jesucristo sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Ipaalala sa mga estudyante na nag-iwan si Moroni ng huling paanyaya para sa lahat ng tao na magbabasa ng Aklat ni Mormon. Ipabasa sa isang estudyante ang kanyang paanyaya na matatagpuan sa Moroni 10:30, 32–33. Sabihin sa klase na alamin ang mga paraan na tayo ay “[makakalapit] kay Cristo.” (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang nalaman nila.) Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang paanyaya ni Moroni sa atin sa pagtatapos ng sagradong talaang ito?

  • Anong mga parirala sa mga talatang ito ang nakatulong sa inyo para malaman kung paano “lumapit kay Cristo”?

  • Anong mga alituntunin ang matututuhan ninyo mula sa mga talatang ito? (Maaaring kabilang sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung lalapit tayo kay Jesucristo, tayo ay madadalisay at magiging ganap sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng magiging ganap o perpekto kayo sa pamamagitan lamang ni Jesucristo?

Sabihin sa mga estudyante na pumili ang bawat isa sa kanila ng isa sa mga sumusunod na tanong at isipin ang isasagot dito. (Maaari mong isulat ang mga tanong na ito sa pisara o gawin itong handout at ibigay sa klase.) Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang sagot sa klase.

  • Paano ninyo nalaman na totoo ang Aklat ni Mormon?

  • Paano kayo tinulungan ng Tagapagligtas na maging higit pa sa kaya ninyong gawin nang mag-isa para sa inyong sarili?

  • Kapag naisip ninyo ang inyong pag-aaral ng Aklat ni Mormon sa taon na ito, ano ang isang bagay na gusto ninyong gawin para mas mapagbuti ang pag-aaral ninyo ng mga banal na kasulatan?

Kapag nakasagot na ang mga estudyante, maaari kang magbahagi ng iyong patotoo sa Aklat ni Mormon at sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Bukod pa rito, pasalamatan ang mga estudyante at ang kanilang mga pagsisikap na mag-aral at matuto sa seminary sa taong ito. Hikayatin sila na patuloy na magbasa ng mga banal na kasulatan araw-araw at sikaping ipamuhay ang natutuhan nila.

Print