Israel
Ibinigay ng Panginoon ang pangalang Israel kay Jacob, ang anak ni Isaac at apo ni Abraham sa Lumang Tipan (Gen. 32:28; 35:10). Ang pangalang Israel ay maaaring tumukoy kay Jacob, sa kanyang mga inapo, o sa kaharian na minsan ay inari ng mga yaong inapo sa panahon ng Lumang Tipan (2 Sam. 1:24; 23:3). Pagkatapos akayin ni Moises ang mga anak ni Israel palabas sa pagkaalipin ng Egipto (Ex. 3–14), pinamahalaan sila ng mga hukom ng mahigit tatlong daang taon. Simula kay Haring Saul, pinamahalaan ng mga hari ang pinag-isang Israel hanggang sa kamatayan ni Solomon, nang maghimagsik ang sampung lipi mula kay Rehoboam upang bumuo ng isang hiwalay na bansa. Pagkatapos na mahati ang kaharian ng Israel, ang kahilagaang mga lipi, bilang may malaking bahagi, ay pinanatili ang pangalang Israel, samantalang ang katimugang kaharian ay tinawag na Juda. Tinatawag ding Israel ngayon ang lupain ng Canaan. Sa ibang pakahulugan, ang ibig sabihin ng Israel ay isang tunay na sumasampalataya kay Cristo (Rom. 10:1; 11:7; Gal. 6:16; Ef. 2:12).
Ang labindalawang lipi ni Israel
Ang apo ni Abraham na si Jacob, na ang pangalan ay pinalitang Israel, ay may labindalawang anak. Nakilala ang kanilang mga inapo bilang labindalawang lipi ni Israel o ang mga anak ni Israel. Ito ang labindalawang lipi: Ruben, Simeon, Levi, Juda, Issachar, at Zebulun (ang mga anak nina Jacob at Lea); Dan at Nephtali (ang mga anak nina Jacob at Bilha); Gad at Aser (mga anak nina Jacob at Zilpa); Jose at Benjamin (mga anak nina Jacob at Raquel) (Gen. 29:32–30:24; 35:16–18).
Binigyan ni Jacob ang bawat pinuno ng lipi ng isang pagbabasbas bago siya namatay (Gen. 49:1–28). Para sa iba pang kaalaman, tingnan ang pangalan ng bawat anak ni Jacob.
Si Ruben, ang panganay na anak ni Jacob sa kanyang unang asawang si Lea, nawala sa kanya ang basbas ng pagkapanganay at dalawang bahagi ng mamanahin dahil sa kanyang imoralidad (Gen. 49:3–4). Ang pagkapanganay ngayon ay napasa kay Jose, na anak na panganay ni Jacob sa kanyang pangalawang asawang si Raquel (1 Cron. 5:1–2). Si Levi, ang lipi na pinili ng Panginoon upang maglingkod bilang kanyang mga sugo ng pagkasaserdote, ay hindi nakatanggap ng pamana dahil sa kanilang natatanging tungkulin na maglingkod sa lahat ng lipi. Ito ang nagpahintulot upang ang dobleng bahagi ay mapaghatian ng dalawang anak ni Jose, na sina Ephraim at Manases (1 Cron. 5:1; Jer. 31:9), na ibinilang na magkahiwalay na lipi ni Israel (PJS, Gen. 48:5–6).
Mamumuno ang mga kasapi ng lipi ni Juda hanggang sa pagparito ng Mesiyas (Gen. 49:10; PJS, Gen. 50:24). May pribilehiyo sa mga huling araw ang lipi ni Ephraim na dalhin ang pahatid ng pinanumbalik na ebanghelyo sa daigdig at ang pagtitipon ng nakalat na Israel (Deut. 33:13–17). Darating ang panahon na sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo, magkakaroon ng tungkulin sa pamumuno ang Ephraim sa pagsasama-sama ng lahat ng lipi ni Israel (Is. 11:12–13; D at T 133:26–34).
Ang pagkalat ng Israel
Ikinalat ng Panginoon at pinahirapan ang labindalawang lipi ni Israel dahil sa kanilang kasamaan at paghihimagsik. Gayunpaman, ginamit din ng Panginoon itong pagkalat ng kanyang mga piniling tao sa mga bansa ng daigdig upang pagpalain ang mga yaong bansa.
Ang pagtitipon ng Israel
Sama-samang titipunin ang sambahayan ni Israel sa mga huling araw bago pumarito si Cristo (S ng P 1:10). Tinitipon ng Panginoon ang mga taong Israel kapag siya ay tinatanggap nila at sinusunod ang kanyang mga kautusan.
Ang sampung nawawalang lipi ni Israel
Binubuo ng sampung lipi ni Israel ang hilagang kaharian ng Israel at dinalang bihag patungo sa Asiria noong 721 B.C. Sa panahong yaon nagtungo sila sa “mga bansa sa kahilagaan” at nawala sa kaalaman ng iba. Babalik sila sa mga huling araw.